
Markahan ang petsa: Malapit na ang International Fanworks Day!
Ipinagdiriwang tuwing ika-15 ng Pebrero, nilikha ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) ang International Fanworks Day noong 2014 bilang parangal sa ika-isang milyong hangang-katha na nailathala sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Isa itong pagkilala sa mga hangang-katha sa lahat ng anyo—akda, larawan, bidyo, zines, at iba pa—at ang kanilang kahusayan at kahalagahan para sa lahat ng taga-hanga sa buong mundo.
Ngayong taon, ipagdiriwang ng OTW ang ika-siyam na taon ng International Fanworks Day. Ang tema natin ngayong taon ay “Kapag Nagbanggaan ang mga Fandom”. Naisip mo ba kung anong mangyayari kapag nakipag-away sina Sam at Dean Winchester kay L mula sa Death Note habang nag-iimbestiga sila ng krimen? O kung nasa isang mundo ng mga pirata na kaparehas ng Our Flag Means Death sina Katsuki Yuuri at Viktor Nikiforov? Ito na ang pagkakataon mong maisulat, maiguhit, o gawan ng kanta ang mga naiisip mong pinakakakaibang fandom crossover!
Maaari kang sumali sa kahit anong paraang nais mo, pero heto ang ilang mungkahi:
- Lumikha ng listahan ng iyong nirerekomendang mga paboritong crossover para ipamahagi at maging kabilang sa ating Feedback Fest, simula sa ika-12 ng Pebrero
- Magpaskil ng iyong sariling hangang-katha na crossover sa AO3 gamit ang ating International Fanworks Day 2023 na tag
- Magbahagi ng crossover headcanons sa social media gamit ang mga tag na #IFD2023 o #IFDChallenge2023
Sundan ang OTW News sa social media para malaman sa mga susunod na linggo kung ano ang gagawin namin bilang pagdiriwang sa International Fanworks Day 2023. Kung ikaw o ang iyong grupo sa fandom ay magkakaroon ng sariling mga gawain, ipaalam ninyo ito sa amin para maiparating din namin sa iba ang tungkol dito!
Ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay isang di pang-kalakal na organisasyon na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Batasang Pagtataguyod. Ang buong organisasyon ay pinapatakbo ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa OTW, maaaring tumungo sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.