
Paminsan minsan, ang OTW (Organisasyon ng Ibahing Katha), ay magkakaroon ng panauhing paskil sa Balitang OTW. Sila ay magbibigay ng panlabas na pananaw tungkol sa OTW o mga aspeto ng fandom kung saan ang aming mga proyekto ay maaaring may kinalaman. Ipinapahayag ng mga paskil ang personal na pananaw ng bawat maykatha at maaaring hindi naglalarawan ng pananaw o ng patakaran ng OTW. Malugod kaming tumatanggap ng mga suhestiyon mula sa mga tagahanga para sa mga susunod na panauhing paskil. Maaaring mag-iwan ng komento dito o makipag-ugnayan sa amin.
Si Versaphile ay “tiyak na isang datihan, bilang nasa online na fandom na ako mula 1995: sa mga nakalipas na taon ay nakasama ako sa mga fandom ng X-Files, Due South, Stargate SG-1, Lord of the Rings, Buffy the Vampire Slayer/Angel, Hornblower, Life on Mars, Doctor Who at BBC Merlin. Dati ay gumagawa ako ng maraming proyekto na imprastrakturang fannish, tulad ng mga archive at mga rec, pati na rin mga vid at manip, pero ngayon masaya na akong magsulat ng mga napakahahaba at angsty na epiko tungkol sa Merlin .” Ngayon, ikukuwento ni Versaphile ang karanasan niyang makipagtulungan sa Open Doors ng OTW, bilang may-ari ng mga archive na inililipat nila sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan).
Paano ka unang napasok sa fandom at sa mga hangang-katha?
Namana ko ang pagka-fannish sa Star Trek ng mga magulang ko, pero ang una kong tunay na fandom ay ang X-Files. Una akong nag-online noong 1994/1995, at nadiskubre ang Usenet at alt.tv.x-files at, lalo na, ang a.t.x.creative. Nahilig ako sa fanfic at hindi na ako lumingon pa mula noon.
Pwede ka bang magkuwento ng kaunti tungkol sa iyong mga archive at kung paano ka na-involve sa kanila?
Limang archive ang ipinalipat ko sa AO3 sa pamamagitan ng Open Doors, kaya mag-uumpisa ako sa pinakamalaki, ang WesleyFanFiction.Net. Medyo nahuli ang pasok ko sa fandom ng Buffy the Vampire Slayer/Angel, kung kailan patapos na ang Angel. Si Wesley ang One True Character ko, kaya siyempre tuwang-tuwa ako nang madiskubre kong may isang buong archive na punong-puno ng mga fic tungkol sa kanya. Tapos, isang araw noong 2005, pumunta ko sa site at naglaho na ito! Ginamit ko ang Google Cache at nakausap si DJ, ang tagapamahala ng archive. Sabi niya, dahil sa mga kahinaan ng eFiction/mySQL, na-hack ang site ng tatlong beses sa isang buwan, at mayroong malisyosong bumura ng database. Mayroon akong karanasan sa mga archive at imprastrakturang fannish, at nagboluntaryo akong buhayin muli ang archive.
Noong umpisa, ni si DJ o si Liz Harris, ang manlilikha noong artsibo, ay hindi makapagbigay ng backup noong database, kaya manu-mano kong inumpisahang buuin ang database gamit ang Google Cache. Buti na lang, matapos ang ilang linggo, may nahanap na kopya noong database, at bagaman di ito ang pinakabagong kopya, napagaan ang trabaho ko dahil dito. Naitayo ko muli ang site kabilang lahat ng mga kuwento rito, at binuksan ko itong muli sa pagtanggap ng mga bagong kuwento. Nagdagdag din ako ng sub-archive para sa RPS, ang Innocent Lies.
Ang susunod na pinakamalaking archive ay ang The Prydonian, isang archive ng Doctor Who para sa Doctor/Master. Kaunting kasaysayan muna tungkol dito: sa panahon nang pagsali ko sa fandom ng DW, binago ko ang A Teaspoon And An Open Mind mula sa isang payak na HTML na site na gumagamit ng Nostalgia patungo sa sentral at makabilang na eFiction na archive na ito kasalukuyan. Iniwan ko ang fandom na iyon at pinamigay ‘yong site, at bumalik makalipas ang ilang taon para sa Tenth Doctor/John Simm Master. Sa panahong yon, naging sobrang laki at mahirap nang gamitin ang Teaspoon, at gusto kong gumawa ng isang lugar para lang sa Doctor/Master sa loob ng fandom. Naging matagumpay yung Prydonian at nagdagdag din ako ng RPS na seksyon para doon, ang Human Nature.
Ang huli kong eFiction na archive, bagaman di kahuli-hulihan sa ayos ng panahon, ay ang Hornblowerfic.com. Ginawa ko ito sa maikling panahon na nasa Horatio Hornblower na fandom ako, bilang isang reaksiyon sa pagkakaroon ng OTP na kinokontra o hindi pinapansin ng karamihan sa fandom, dahil sa away sa pagitan ng mga ship. Kahit na walang tema ‘yong archive, nilayon itong maging isang ligtas na lugar para sa mga kuwento na nakasentro kay William Bush.
Pinanatili ko ang limang archive sa mga nakaraang taon, kasama na ang pag-update ng mga ito ayon sa panibagong bersiyon ng eFiction at pakikipagtunggali sa paminsanang spam attack. Sa kasamaang palad, habang tumatagal, lumala ng lumala ang mga spam attack at ang mga update sa bersiyon ng eFiction ay kumonti ng kumonti. Malakas ang paninindigan ko na panatilihin ang mga lumang katha sa fandom, at na madali pa ring makita ang mg ito, pero dahil iniwanan ko na ang tatlong fandom na iyon, handa na akong makahanap ng ligtas at pamalagiang lugar para sa mga archive na ito. Buti nalang tinanggap sila ng Open Doors!
Paano mo nalaman ang tungkol sa Open Doors at paano mo sila nakatrabaho?
Sa malamang, nabalitaan ko ang Open Doors sa blog na pang-balitang OTW na sinusundan ko paminsan-minsan mula nang magbukas ito. Nakatrabaho ko ang Open Doors noong ang ilan sa mga eFiction na artsibo ko ay nagkakaroon ng mga spam attack at wala na akong panahon para linisin pa ang mga ito pagkatapos. Nais kong magkaroon ng permanente at ligtas na lugar ang mga archive, at ang AO3 ay sakto para doon.
Kamusta naman para sa iyo ang pakikipagtrabaho kasama ng OTW?
Ang proseso ng Open Doors ay napakadali. Simula pa lang, sinabihan ko na ang Open Doors na wala akong masyadong panahon o lakas na mailalaan sa paglilipat, ngunit nakalikha/nakapag-update sila ng kanilang mga import script kaya diretso silang nakapaglipat mula sa naibigay na database at mga file ng site. Sa dami nang mga archive at mga kuwento, malaking panahon rin ang ginugol nila para mailipat ang lahat ng mga ito, pero napakaganda ng ginawa nilang trabaho at masayang-masaya ako sa naging resulta.
Anong payo ang maibibigay mo sa mga may-ari o tagapangasiwa ng archive na humaharap ng kaparehong mga isyung napagdaanan mo na?
Sa tingin ko, sa panahong ito, bihira na ang gumagawa ng isang archive na nakatuon lamang sa iisang fandom o sa iisang tauhan, dahil napakagandang gamitin ng AO3. Ngunit maraming mga lumang archive diyan (lalo na ang mga nakabase sa eFiction), at marami riyan ay halos napabayaan na sapagkat kumonti ang mga gawain sa fandom, o dahil lumipat na sa ibang fandom ang tagapangasiwa. Sinasamo ko ang mga tapangasiwang ito na dalhin ang mga archive nila sa Open Doors bago pa mawala ang mga kuwentong naroroon. Hindi mawawala ang spam, at sa kasamaang palad, ang pag-aayos ng eFiction ay ubod ng bagal at halos vaporware na ang kalagayan. Ganoon din para sa mga archive na para sa iisang maykatha lamang o sa mga fic na nasa LiveJournal. Lahat ng mga ito ay dapat iligtas! Kailangang i-usad ang fandom patungo sa kinabukasan nang hindi iniiwanan ang kasaysayan nito. Bilang mga tagapangasiwa ng archive, may pananagutan tayong iligtas ang lahat ng kaya nating iligtas.
Anong mga bagay sa fandom ang pinaka nakakapag-engganyo sa iyo?
Fic ang pinakahilig ko, lalo na’t manunulat din ako. Kailangan kong sabihin na patuloy na napapahanga pa rin ako sa dami ng mga magagandang hangang-sining galing sa Tumblr (at sa tingin ko kakailanganin natin ang isang katumbas ng AO3 para sa mga hangang-sining dahil balang araw mawawala ang Tumblr kasama ang LAHAT ng andoon). Pero ang pinaka nakakasiglang bahagi ng fandom ay ang mga talakayan at meta tungkol sa mga tauhan at mga canon na kuwento.
Huwag kalimutan na bilang bahagi ng aming pagdiriwang ng Open Doors sa
Linggo, ika-18 ng Setyembre, 17:00-19:00 UTC (tignan kung anong oras iyon para sa iyo) magkakaroon kami ng live chat kung saan lahat kayo ay imbitado!
Ang balitang ito ay isinalin ng mga boluntaryong tagasalin ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa aming gawain, maanong tumungo sa pahina para sa Pagsasalin sa transformativeworks.org.