Pananalapi ng OTW: Badyet sa Taong 2023

Nitong nakaraang taong, nagsikap ang komite ng Pananalapi ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na masigurong bayad ang lahat ng mga bayarin ng organisasyon, naisumite ang tamang buwis, at nasunod ang mga pamantayan ng pagtutuos ng salapi. Inihahanda na ngayon ang mga pinansyal na pahayag at pagsusuri para sa taong 2022!

Nagtatrabaho rin ang komite nang mabuti upang matugunan ang pangangailangan ng OTW sa taong 2023, at ikinagagalak naming ilahad sa iyo ang badyet para sa taong ito (tingnan ang spreadsheet ng badyet sa taong 2023 para sa karagdagang detalye):

Mga Gastusin sa Taong 2023

Mga gastusin ng bawat programa: Ating Sariling Sisidlan: 59.4%. Open Doors: 1.1%. Nagbabagong Katha at Kultura: 0.7%. Fanlore: 3.3%. Ligal na Pagtataguyod: 1.1%. Con Outreach: 0.4%. Administrasyon: 18.0%. Programa para sa Pangangalap ng Pondo at Pagpapaunlad: 16.0%

Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan)

US$99,854.48 ang nagastos; US$195,431.28 ang natira

  • US$99,854.48 ang nagastos mula sa kabuuang halagang US$295,285.76 ngayong taon, hanggang sa ika-28 ng Pebrero, 2023.
  • Napupunta ang 59.4% ng mga gastusin ng OTW sa pamamahala ng AO3. Kasama na rito ang karamihan ng mga gastusin para sa aming server—mga bagong binili at ang patuloy na colocation at pagpapanatili—mga kagamitan ng pagsubaybay sa pagpapatakbo ng website, at iba pang mga lisensyang kaugnay sa sistema, pati na ang mga bayarin na nakalahad sa ibaba (tingnan ang lahat ng mga gastusin ng programa).
  • Kasali sa inaasahang gastusin ng AO3 para sa taong ito ang pagbili ng mga bagong server na nagkakahalaga ng US$74,000.00, pati na rin ang US$77,000.00 na mga kagamitan upang mapalakas ang kakayahan nitong pangasiwaan ang inaasahang paglaki ng site traffic sa buong taon.

Fanlore

US$6,222.79 ang nagastos; US$9,979.20 ang natira

  • US$6,222.79 ang nagastos mula sa kabuuang halagang US$16,201.99 ngayong taon, hanggang sa ika-28 ng Pebrero, 2023.
  • Nakatakda ang mga gastusin ng Fanlore sa mga bayarin para sa nakalaang server hardware, pagpapanatili at colocation, pati na ang bahagi nito sa mga bagong kagamitan sa pagiging produktibo na gagamitin ng buong OTW (tingnan ang lahat ng mga gastusin ng programa).

Transformative Works and Cultures – TWC (Nagbabagong Katha at Kultura)

 US$847.70 ang nagastos; US$2,662.00 ang natira

  • US$847.70 ang nagastos mula sa kabuuang halagang US$3,509.70 ngayong taon, hanggang sa ika-28 ng Pebrero, 2023.
  • Nakatakda ang mga gastusin ng TWC sa pangangalaga ng website para sa journal at sa mga bayarin para sa paglalathala at pag-iimbak nito, pati na ang bahagi nito sa mga bagong kagamitan sa pagiging produktibo na gagamitin ng buong OTW (tingnan ang lahat ng mga gastusin ng programa).

Open Doors

US$2,232.86 ang nagastos; US$3,293.30 ang natira

  • US$2,232.86 ang nagastos mula sa kabuuang halagang US$5,526.16 ngayong taon, hanggang sa ika-28 ng Pebrero, 2023.
  • Nakatalaga ang mga gastusin ng Open Doors sa pangangalaga, pag-backup, at mga gastusin ng domain para sa mga iniangkat na sisidlang panghangang-katha, pati na ang bahagi nito sa mga bagong kagamitan sa pagiging produktibo na gagamitin ng buong OTW (tingnan ang lahat ng mga gastusin ng programa).

Legal Advocacy (Ligal na Pagtataguyod)

US$0.00 ang nagastos; US$5,258.00 ang natira

  • US$0.00 ang nagastos mula sa kabuuang halagang US$5,258.00 ngayong taon, hanggang sa ika-28 ng Pebrero, 2023.
  • Nakatalaga ang mga gastusin ng Ligal sa pagpaparehistro sa mga pagpupulong at pagdinig at sa pondong nakatabi para sa pagbabayad ng legal filings kung kinakailangan, pati na ang bahagi nito sa mga bagong kagamitan sa pagiging produktibo na gagamitin ng buong OTW ((tingnan ang lahat ng mga gastusin ng programa).

Con Outreach

US$0.00 ang nagastos; US$2,000.00 ang natira

  • US$0.00 ang nagastos mula sa kabuuang halagang US$2,000.00 ngayong taon, hanggang sa ika-28 ng Pebrero, 2023.
  • Kasama sa mga gastusing nakatakda sa badyet ang US$1,000.00 para sa mga gawain sa convention outreach sa ngalan ng OTW, kasama na dito ang bayarin para sa mesa sa convention, pagdalo ng mga boluntaryo, at mga kaugnay na gamit para sa presentasyon, pati na ang US$1,000.00 para sa mga ipamimigay sa convention (tingnan ang lahat ng mga gastusin ng programa).

Programa para sa Pangangalap ng Pondo at Pagpapaunlad

US$9,235.91 ang nagastos; US$70,389.20 ang natira

  • US$9,235.91 ang nagastos mula sa kabuuang halagang US$79,625.11 ngayong taon, hanggang sa ika-28 ng Pebrero, 2023.
  • Nakatalaga ang mga gastusin ng programa para sa pangangalap ng pondo at pagpapaunlad sa mga kabayarang pantransaksyon mula sa pagpo-proseso ng kabayaran na isinasagawa ng mga ikatlong-partido para sa bawat donasyon, pamimili at pagpapadala ng mga regalo ng pasasalamat, at sa mga kagamitan na ginamit sa pangangalaga ng database ng mga kasapi ng OTW at pagsubaybay ng linya ng komunikasyon sa aming mga at potensyal na mga tagapagbigay ng donasyon, pati na ang bahagi nito sa mga bagong kagamitan sa pagiging produktibo na gagamitin ng buong OTW (tingnan ang lahat ng mga gastusin ng programa para sa pangangalap ng pondo).

Administrasyon

US$21,093.22 ang nagastos; US$68,079.74 ang natira

  • US$21,093.22 ang nagastos mula sa kabuuang halagang US$89,172.96 ngayong taon, hanggang sa ika-28 ng Pebrero, 2023.
  • Nakatalaga ang mga gastusin ng administrasyon ng OTW sa pangangalaga ng aming website, mga tatak, mga domain, paniniguro, pagsusumite ng buwis, at pagsusuri sa mga taunang pahayag ukol sa pananalapi, pati na rin ang mga kagamitan sa pagiging produktibo, pangangasiwa, at accounting (tingnan ang lahat ng gastusin ng administrasyon).

Kita sa Taong 2023

Kita ng OTW: Donasyon mula sa kampanya noong Abril: 13.5%. Donasyon mula sa kampanya noong Oktubre: 13.5%. Donasyon mula sa labas ng kampanya: 54.1%. Donasyon mula sa programa ng pagtutugma: 18.9%. Kita ng interes: <0.1%. Royalties: <0.1%. Ibang kita: <0.1%

  • Ganap na sinusuportahan ang OTW ng iyong mga donasyon—maraming salamat sa iyong kabutihang-loob!
  • Natatanggap namin ang malaking bahagi ng aming mga donasyon kada taon mula sa aming mga kampanya para sa pangangalap ng pondo sa mga buwan ng Abril at Oktubre, na bumubuo sa 27% ng aming kita sa taong 2023 kapag pinagsama. Nakatatanggap din kami ng mga donasyon mula sa mga programa ng pagtutugma ng employer, royalties, at PayPal Giving Fund, na nangangasiwa ng mga donasyon mula sa mga programa tulad ng Humble Bundle at eBay for Charity. Kung nais mo kaming suportahan habang namimili ka sa mga website na ito, mangyari lamang na piliin ang “Organization for Transformative Works” bilang iyong piling di-pangkalakal na organisasyon!
  • Salamat sa iyong kabutihang-loob sa nagdaang mga taon at nakalikom kami ng malaki-laking pondo na maaaring magamit sa pagbabayad sa mga bilihing mas malaki pa sa karaniwang bilihin at nakatabi para sa mga ligal na pangangailangan. Gaya ng dati naming ipinahayag, may plano kaming i-upgrade ang kapasidad ng mga server ng AO3 at lubos itong magpapalaki sa aming mga gastusin para sa server equipment at server hosting. Nangangailangan din ang paglago ng AO3 at iba pang mga proyekto ng OTW ng mas maraming mga boluntaryo at suportang pampamahalaan na lalo pang magpapalaki sa aming mga gastusin. Nakalahad sa spreadsheet ng badyet na kukuha kami ng US$130,000.00 mula sa aming reserba para mapagtakpan ang mga gastusing lalagpas sa halaga ng matatanggap na kita ngayong taon. Maaaring kunin ang halagang ito sa reserbang pondo kung kinakailangan ngayong taon.
  • US$69,477.12 ang natanggap sa ngayon (hanggang sa ika-28 ng Pebrero, 2023) at US$370,320.00 ang maaaring matanggap sa pagtatapos ng taon.

US$69,477.12 ang binigay na donasyon; US$300,842.88 ang natira

Mayroon ka bang mga tanong?

Kung may mga katanungan ka ukol sa badyet o sa estadong pinansyal ng OTW, mangyaring makipag-ugnayan sa komite ng Pananalapi. Sasagutin ka namin sa lalong madaling panahon!

Para ma-download ang spreadsheet ng badyet ng OTW sa taong 2023, mangyari lamang na buksan ang kawing na ito.


Isang di pang-kalakal na organisasyon ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa OTW, maaaring tumungo sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Report

Comments are closed.