Pagtuklas ng Komunidad sa Gitna ng Pagbubukod

Isang samahang di-pangkalakalan ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) na pinapatakbo ng mga boluntaryo mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Napupunta ang lahat ng aming nalilikom sa pagsuporta ng aming mga proyekto. Ngunit hindi namin ito magagawa nang mag-isa. Kung kaya’t ngayon, tulad ng aming ginagawa tuwing Abril, muli naming ilulunsad ang aming membership drive na ginaganap dalawang beses sa isang taon, at hinihingi namin ang aming mga tagagamit na magbigay ng donasyon upang suportahan ang aming mga gawain.

Siyempre, kakaiba ang Abril na ito kumpara sa mga nakaraang taon. Walang kahalintulad ang kasalukuyang sitwasyon ng mundo, at naiintindihan namin na maaaring wala sa posisyon ang marami sa inyo, na palaging nagbibigay ng donasyon sa OTW, na gawin ito sa ngayon. Nais naming ipaabot sa inyo na dahil sa inyong mabuting kalooban noong nakaraan at sa walang sawang pagsisikap ng aming komite ng Pananalapi, narito kami para sa pangmatagalan para sa lahat ng aming tagagamit, anuman ang halagang aming malilikom ngayon. Makakatulong ang inyong donasyon sa pagpapanatili ng aming mga gawain sa hinaharap, at susuporta ito sa aming pagpaplano kung papaano pa namin mapapalaki ang OTW sa mga susunod pang taon.

Kumakatawan ang mga donasyon sa OTW hindi lamang sa pananalapi. Makapagbibigay ang mga donasyon na nagkakahalaga ng US$10 o higit pa ng karapatan na maging kasapi ka ng OTW sa susunod na taon, o magpapanibago nito kung nagbigay ka sa nakaraan. May karapatan ka bilang kasapi na bumoto sa aming halalan sa Agosto kung saan pagpapasiyahan kung sinu-sino ang bubuo sa Lupon ng Pangangasiwa na mamamahala sa estratehikong pag-unlad at gagabay sa aming pagpaplano sa hinaharap.

Nais namin na ipaalam sa inyo, lalo na ngayon, na mahalaga at makabuluhan ang lahat ng inyong naiambag sa aming komunidad. Gumagawa ka man ng fanworks na nagdadala ng saya at aliw sa karamihan, nakikipag-ugnayan sa mga manlilikha sa pamamamgitan ng mga komento at kudos, tumutulong sa pagtatala ng kasaysayan at kultura ng mga tagahanga, nagbibigay ng kaliwanagan gamit ang mga akademikong papel ukol sa mga fannish na paksa, gumugugol ng oras bilang boluntaryo upang tulungan kami, o nagbibigay ng tulong pinansyal sa lahat ng aming proyekto, lubos naming ipinagpapasalamat na naging bahagi ka ng aming mga gawain!

Hinihikayat namin kayo na magbigay ng donasyon kung maari, upang matulungan kaming suportahan ang komunidad na ito sa abot ng aming makakaya ngayon, bukas, at magpakailanman. Maaaring ginugol natin ang mga nagdaang linggo at buwan sa gitna ng pagbubukod, ngunit salamat sa inyong pakikipag-ugnayan sa amin, hindi kami tunay na nag-iisa.


Isang di pang-kalakal na organisasyon ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Batasang Pagtataguyod. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo na nakadepende lamang sa mga donasyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa OTW, maaaring tumungo sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Event

Comments are closed.