
Ikinalulungkot naming i-anunsyo na nagbitiw na mula sa Lupon ng mga Tagapangasiwa sina Antonius Melisse at Natalia Gruber. Nakatakda nang matapos ang termino ni Antonius pagkatapos ng ilang buwan; planong punan ang kanyang pwesto sa katapusan ng kasalukyang panahon ng halalan. Subalit, mayroon pang dalawang taong nalalabi si Natalia sa kanyang termino. Idaragdag ang kanyang pwesto sa bilang ng mga pwestong dapat punan sa nalalapit na halalan.
Dahil magkapareho ang bilang ng mga bakanteng pwesto sa bilang ng mga kandidato, magkakaroon ng isang hindi pinagtutunggaliang halalan ang Lupon ng OTW ngayong taon. Gayunpaman, magaganap pa rin ang halalan, mula sa ika-11 hanggang ika-14 ng Agosto, at maghahalal ang mga miyembro ng OTW ng tatlong kandidato na magsisilbi ng buong termino (3 taon) at dalawang kandidato na magsisilbi ng maikling termino.
Nais naming pasalamatan sina Antonius at Natalia sa kanilang serbisyo bilang bahagi ng Lupon at hangad namin ang katuparan ng kanilang mga plano sa hinaharap.
Idinagdag: Nagbitiw na rin mula sa Lupon ng OTW si Direktor Alex Tischer, epektibo ngayong ika-27 ng Hulyo.
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.