Balita Ukol sa Halalan ng OTW

OTW Timeline at Takdang Oras ng Pagiging Miyembro para sa Halalan 2021

Malugod na ipinahahayag ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) Komite ng Halalan na nailathala na ang timeline para sa halalan 2021 para sa mga bagong miyembro ng Lupon ng Pangangasiwa!

Gaganapin ang halalan para sa taong ito mula ika-13 hanggang ika-16 ng Agosto. Nangangahulugan ito na sa ika-18 ng Hunyo ang huling araw para magpahayag ang mga kawani ng kanilang kandidatura.

Katulad ng dati, ika-30 ng Hunyo ang huling araw ng pagiging miyembro sa halalan. Kung interesado kang bumoto, mangyaring siguraduhin na aktibo ang pagka-miyembro mo hanggang sa petsang nabanggit. Mangyaring tandaan na nakatakda ang petsa ng resibo ng iyong donasyon sa US Eastern Time, kaya kung nailista ang iyong donasyon matapos ang alas 19:59 sa ika-30 ng Hunyo, 2021 sa resibo nito, hindi ka maaaring bumoto. Kung may alanganin ka kung nagawa ang iyong donasyon bago ang palugit, mangyaring makipag-ugnayan sa aming Komite ng Pagsulong at Kaaniban sa pamamagitan ng paggamit sa form ng pakikipag-ugnayan na nasa aming website at sa pagpili sa “Kasalukuyan ba ang aking pagiging miyembro/Maaari ba akong bumoto?”.

Mangyari lamang na basahin kung paano maging isang miyembro para sa karagdagang impormasyon, o kung alam mo na ang proseso, maaari kang magbigay ng donasyon dito!

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa pangkalahatang proseso ng halalan, maaari mong puntahan ang mga Patakaran ng Halalan.

Inaasahan namin na magiging aktibo ang darating na halalan, at may sapat na pakikipagtalastasan sa pagitan ng mga kandidato at botante. Umaasa rin kaming magiging bahagi ka nito. Huwag kalimutang sundan ang Komite ng Halalan sa Twitter upang maging maalam sa mga pinakabagong balita!

Kung may tanong o kuro-kuro ka, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa Halalan.


Ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay isang di pang-kalakal na organisasyon na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Batasang Pagtataguyod. Ang buong organisasyon ay pinapatakbo ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa OTW, maaaring tumungo sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.