OTW Panauhing Paskil: Henry Jenkins

Paminsan-minsan, ang OTW (Organisasyon ng Ibahing Katha), ay magkakaroon ng panauhing paskil sa Balitang OTW. Ang mga panauhing ito ay magbibigay ng mga panlabas na pananaw tungkol sa OTW o mga aspeto ng fandom kung saan ang aming mga proyekto ay maaaring may kinalaman. Ipinapahayag ng mga paskil ang personal na pananaw ng bawat maykatha at maaaring hindi naglalarawan ng pananaw o ng patakaran ng OTW. Malugod kaming tumatanggap ng mga mungkahi mula sa mga tagahanga para sa mga susunod na panauhing paskil. Maaaring mag-iwan ng komento dito o makipag-ugnayan sa amin.

Si Henry Jenkins ay isa sa mga pinakakilalang iskolar ng medya na nag-aaral ng fandom. Ang kanyang librong Textual Poachers: Television Fans and Participatory Culture na inilabas noong 1993 ay nabasa na sa buong mundo, at kinikilala bilang isa sa mga saligang teksto sa larangan ng fan studies. Nang tinanong namin siya kung gagawin niya ang panauhing paskil para sa buwang ito para sa aming ika-10 na anibersaryo, sabi niya’y “Isang karangalang maimbita para gampanan ang tungkuling ito.” Nagkuwento si Henry patungkol sa mga tagahanga, estudyante, at fandom.

Ang Textual Poachers ay nananatiling isang babasahin na binabasa ng maraming mga estudyante na gustong matuto tungkol sa mga tagahanga at sa fandom, pero mula noon ay sumulat ka na rin ng napakaraming mga libro at artikulo. Ano sa tingin mo ang pinaka nagbago mula noong nagsisimula ka pa lang na tagasaliksik at kasali?

Pagdating sa fandom, mapagpasya ang epekto ng dihital na medya: lumawak ang sakop ng fandom, naging mas konektado ang mga tagahanga sa buong mundo; bumilis ang pagtugon ng mga tagahanga sa pamamagitan ng tugunang real time sa ating mga paboritong programa; gumawa ng espasyo kung saan mas nakikita ang mga hangang-katha sa pangkalahatang kultura (sa mas nakabubuti man o mas nakasasama); hinahayaan ang mga tao na mahanap ang fandom sa mas murang edad; mas naging mabisa ang mga aktibistang tagahanga na gustong marinig ang boses nila bilang tugon sa mga nakanselang programa. (Hindi na kailangang maghanap ng maigi para sa halimbawa, tulad ng dramatikong pag-ikot ng tadhana ng Timeless nitong nakaraang tagsibol).

Pagdating naman sa akademikong pag-aaral ng fandom, nakakita tayo ng pag-usbong ng panibagong larangan ng pagsasaliksik, na may sariling pagtitipon at propesyonal na samahan, sariling pahayagan (kabilang ang Ibahing Katha at Kultura), sariling paglilimbag, sariling kurso, atbp. Sa mga susunod na taon, magkakaroon ng hindi kulang sa apat na malaking akademikong antolohiya na nakalaan sa pagmamapa ng mga larangan ng pag-aaral ng fandom, na siyang sumasalamin sa pag-usbong ng bagong henerasyon ng mga mananaliksik at kumakatawan sa mga pagbabago sa kayraming larangan, pero higit sa lahat, ay ang pagharap ng fandom sa mga isyu patungkol sa lahi.

Kabilang ka sa maraming mga proyekto na may pokus sa mga tagahanga at kanilang pakikitungo sa tekisto at sa mga industriya ng aliwan. Anong pananaw ang nakuha mo mula sa mga ganoong karanasan at ano ang nais mong ibahagi sa mga tagahanga?

Ang mga konsyumer ng media sa ngayon ay umaasa sa makabuluhang pakikilahok, at kinikilala rin ng mga industriya ng aliwan na kailangan nilang gumawa ng espasyo at pahalagahan ang aktibong pakikilahok ng madla sa malawak na tanawin ng medya. Ngunit may laganap na mga pagtatalo sa kung anong maaari nating tawaging tuntunin ng ating pakikilahok, at ang mga pagtatalong ito ang mga mahahalagang paglalabanan sa unang mga dekada ng ika-21 siglo.

Ang OTW ay nangunguna sa mga pakikibakang ito, at kumakatawan sa mga tagahanga habang nagpupumiglas sila sa mga rehimeng intelektwal na pag-aari ng mga malalaking istudyo, o habang sila’y humaharap sa iba’t ibang komersiyal na estratehiya ng inkorporasyon. Kailangan nating lahat na patuloy na tanungin ang ating mga sarili “Anong gusto natin?” at gamitin ang kolektibo nating lakas para matatag na tumayo laban sa mga kompromiso na maaaring saktan ang ating mga kaugalian at kagawian. Ang fandom ay karapatdapat na ipaglaban.

Ilang dekada ka ring isang manunuro. Ano para sayo ang pinakanakaka-intriga sa pakikiharap sa mga estudyante na interesado sa fandom?

Noong nagsimula akong magturo tungkol sa fandom, kung mayroon man, kaunti lang sa mga estudyante ko ang may alam tungkol sa hangang-katha o iba pang mga gawaing pang-tagahanga. Ngayon, may alam ang halos bawat paparating na andergradweyt tungkol sa fandom, maraming nakapagbasa na ng hangang-katha, at halos lahat ay may kilalang nakapagsulat na nito.

Kapag nagtuturo ako ng gradweyt seminar patungkol sa fandom, lahat ng mga estudyante ay “aca-fans,” naghahanap ng paraan para ipagdugtong ang kanilang pagkakakilanlang pang-tagahanga sa kanilang pananaliksik na interes para sa pagka-PhD. Nitong huli lamang, karamihan sa aking mga estudyante ay galing sa labas ng Estados Unidos, lalo na sa Asya, ngunit pati na rin sa Europa, at sa Latin Amerika, at natutuwa akong marinig ang mga kwento ng kanilang pag-edad at pagkuha ng kanilang mga pananaw sa mga pangunahing debate sa loob ng larangan.

Paano mo unang nalaman ang tungkol sa OTW at ano ang nakikita mong magiging papel nito?

Ang balita tungkol sa OTW ay nanggaling sa maraming direksyon ng sabay-sabay, malamang dahil sa aking kaugnayan sa Escapade, pero dahil rin sa kabiyak noong isa kong kasamahan sa akademiya, na nakikilahok noong panahong iyon. Nasabik akong marinig ang pagsulpot nitong samahan para sa pagtataguyod ng mga tagahanga na nagtipon ng mga tagahangang mananananggol na handang protektahan ang ating karapatan sa patas na paggamit bilang mga tagahanga; mga tagahangang iskolar na naglalathala ng kanilang gawa sa isang peer-reviewed na pahayagan; mga tagahangang programmer na ginagamit ang kanilang kasanayan para suportahan ang komunidad; at siyempre, isang archive kung saan ang mga tagahanga ang namamahala kung anong nangyayari sa sarili nilang gawa nang hindi pinapakialaman ng interes ng web 2.0. Bawat isa sa mga ito ay mahalaga,, ngunit pag pinagsama-sama, ang samahang ito ay may makabagong puwersa, sa bawat aspeto ng salitang ito, para sa mga tagahanga at sa kanilang karapatang makilahok.

Ikaw ay nasa lupon ng mga patnugot ng Transformative Works and Cultures – TWC (Ibahing Katha at Kultura) at, kasama si Sangita Shresthova, ay pinatnugutan bilang panauhin ang ika-10 nitong isyu. Ano ang pinakamakabuluhang bahagi ng karanasang patnugutan ang isyung iyon?

Ang TWC ay may isa sa mga pinakamasigla at maging pinakamapag-alalay na sistemang peer-review na siyang naranasan ko sa isang pahayagang pang-akademiko. Sinasabi ko sa mga estudyante ko na maganda itong lugar para malathala sila sa unang pagkakataon, dahil makakakuha sila ng napakaraming nakabubuting tugon at makatatamo ng sapat na tulong upang linangin ang kanilang mga sanaysay para sa paglathala. At gusto ko na isa itong open source at madaling ma-akses sa mga hindi-akademiko sa pamamagitan ng web.

Dinala kami ng aming gawain sa Harry Potter Alliance at iba pang uri ng aktibismong pang-tagahanga sa landas patungo sa pagsasaliksik ng mga pulitikal na buhay ng kabataang Amerikano, na nagbunga ng aming pinakabagong libro, By Any Media Necessary: The New Youth Activism. Sinulat namin doon ang HPA bilang isang modelo ng aktibismong pang-tagahanga, pero sumulat din kami tungkol sa mga Invisible Children, Dreamers, at mga Amerikanong Muslim, at nakahanap ng mga temang pare-pareho sa lahat ng mga grupong ito. Isa sa mga pangunahing konsepto para sa amin, “ang imahinasyong pambayan,” ay hinugot mula sa isang parirala ni J.K Rowling, “Imagine Better (gamitin ang imahinasyon ng mas mahusay),” na siyang napansin ng HPA at ginamit. Ako at ang mga kasamahan ko ngayon ay pinapatnugutan ang isang casebook tungkol sa kulturang popular at imahinasyong pambayan na siyang nagsisiyasat kung paano ginagamit ng mga aktibistang grupo sa buong mundo at muling isinasaayos ang kulturang popular para tulungang balangkasin ang kanilang mensahe. Ilan sa kanila ay mga grupo ng mga tagahanga, pero marami ang hindi, ngunit gayunpaman ay maaaring hindi ako magiging kasing-listo sa mga pangyayaring ito kung hindi ko sinusundan ang fandom ng ganito kalapit.

Anong mga bagay sa fandom ang siyang naging pinakamalaking inspirasyon sa iyo, ngayon o sa ibang mga panahon ng iyong buhay?

Palagi akong napapahanga sa kung paano ang fandom ay nagbigay na espasyo at iba’t ibang kaparaanan sa maraming tao para matuto. Noong umpisa, interesado ako sa mga kaparaanan na ang fandom ay nagbibigay ng tagapagturo sa panunulat, pagpapatnugot ng video, at iba pang mga malikhain proseso, kung saan ang beta-reading at ang tagahangang tagapagturo ay isang saganang halimbawa ng sistema ng pag-aaral mula sa iyong mga kapantay.

Sa nakalipas na mga taon, nanguna ang fandom sa pagtulong sa kababaihang makapasok sa cyberspace. Nadaig nila ang tinatawag na “dihital na ma-kasariang paghahati” ng mga tagagawa ng mga patakaran. At nagbigay din ang fandom ng ligtas na lugar upang patunguhan ang pagbabago sa pulitikang pang-kasarian at sekswal noong mga dekada ng 1980 at 1990, na nakatulong sa kababaihang ipahayag ang kanilang mga sekswal na pantasiya at maging bukas sa mga alternatibong maaaring hindi nila matunguhan. Sa ganitong kaparaanan, ang fandom ay parang isang feminist na grupong nagpapalawak ng kaalaman.

Ang fandom ay naging pagsasanay rin sa pamumuno, sa pagtulong nito sa mga kababaihan na makakuha ng kasanayan sa pagnenegosyo at pagiging aktibista, na siya namang nagpalawak ng kanilang boses at impluwensiya sa murang edad dahil ang online fandom ay hinahayaan ang mga estudyante sa mataas na paaralan na makahanap ng mas malaking komunidad. Hindi natutugunan ng fandom ang pangangailangan ng bawat isa, at ang mga uliran na ito ay maaaring hindi ganap na natutupad sa gawa, ngunit sa paglipas ng mga taon, nakakilala ako ng napakaraming mga tao na lumago at natuto sa pamamagitan ng kanilang karanasang fannish. At para sa karamihan sa kanila, ang OTW ay nagbibigay ng pagkakataong magamit ang mga personal at propesyonal na kasanayan upang makapagbalik sa kanilang komunidad.


Basahin ang iba pang mga naunang panauhing paskil

Ang balitang ito ay isinalin ng mga boluntaryong tagasalin ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa aming gawain, maanong tumungo sa pahina para sa Pagsasalin sa transformativeworks.org.

Event, Guest Post, Transformative Works and Cultures

Comments are closed.