Mga okasyon at pangangalap-pondong isinagawa ng ikatlong partido

Naisipan mo na bang mag-organisa ng isang pagtitipon para sa OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha)? Kung ang pinaplano mo man ay isang malaking pangangalap-pondo o maliit na kasiyahan kung saan maaaring magbigay ng maliit na ambag sa OTW, may ilang mga bagay kang dapat malaman kung paano hawakan ang mga natanggap na donasyon mula sa mga ganitong okasyon.

Maaari bang opisyal na tangkilikin ng OTW ang pangangalap ng pondo na isinagawa ng ikatlong partido?

Hindi maaaring opisyal na tangkilikin ng OTW ang alinmang pangangalap-pondo ng ikatlong partido dahil ito ay lilikha ng suliranin pagdating sa buwis. Gayunpaman, natutuwa kaming may nais mangalap ng salapi at i-ambag ito sa amin! Maaari kayong mag-download ng polyeto, mga form para sa pagmimiyembro, at iba pang materyal mula sa aming website at magsagawa ng mga kampanya na humihimok sa mga tao na magbigay at sumali.

Maaari bang sumali ang mga tao sa OTW sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon sa isang pangangalap-pondong isinagawa ng ikatlong partido ?

Ang donasyon para sa pagmimiyembro ay dapat gawin sa pamamagitan ng tseke o credit card, at dapat may kalakip na form para sa pagmimiyembro para sa bawat donante: maaari nilang punan ang elektronikong form online, o ang papel na form na ipapadala gamit ang koreo. Kaya kung inyong kokolektahin ang form at tseke na nakapangalan sa OTW mula sa bawat mag-aambag at ipapadala ang mga ito sa amin (o kaya, mamigay ng form at sabihan ang mga tao na sila na mismo ang magpadala nito), o hindi kaya’y maglagay ng kompyuter doon na magagamit ng mga dadalo upang magbigay ng donasyon online, saka lamang sila magiging miyembro ng organisasyon.

Ngunit, kung kayo mismo ang mangongolekta ng pera at magpapadala nito sa OTW, salaping hawak man o isahang bayad mula sa inyo, wala kaming paraan para maitugma ang indibiduwal na nag-ambag at ang kanilang mga donasyon, at hindi namin kayang mapatunayan na ang bawat isa sa kanila ay tunay at indibiduwal na tao. Sa ganitong sitwasyon, ang donasyon ay hindi nagkakaloob ng pagkamiyembro, masaya man kaming tanggapin ang mga ito.

Alinman ang mangyari, maliban na lamang kung hilingin ninyo ang kabaligtaran, malugod na ikakalat ng OTW ang balita tungkol sa inyong gawain, at pasasalamatan namin kayo at ang mga dumalo sa aming pahayagan. Kung makapagbibigay kayo ng listahan ng mga e-mail address (na aming gagawing kompidensyal, ayon sa aming Pampribadong Patakaran), personal din naming pasasalamatan ang bawat isa sa mga dumalo.

Matitiyak ba ng OTW na ipapasa ng mga ikatlong partidong nangangalap ng pondo ang mga donasyon sa OTW?

Hindi. Ang OTW ay hindi mananagot sa mga anunsyo at pahayag na ginawa ng iba. Sa kahit ano pa mang kampanyang isinagawa ng ikatlong partido, ang mga donante ay nagbibigay nang may pagbabakasakali; umaasa kami na magiging marangal ang mga nag-organisa, katulad ng marami sa ganitong mga kampanya ng pagkakawanggawa.

Kailangan ko bang makipag-ugnayan muna sa OTW bago magsagawa ng pangangalap-pondo bilang ikatlong partido, para gawin itong opisyal?

Hindi. Ang mga pangangalap-pondo na gawa ng ikatlong partido ay ganap na hindi opisyal at pananagutan lamang ng mga indibiduwal na nag-organisa nito. Umaasa kami na ang mga taong nagpapalakad ng pangangalap-pondo at gumagamit ng pangalan at logo ng OTW ay kikilos nang may karangalan.

Mayroon bang tama o maling panahon para magsagawa ng pangangalap-pondo para sa OTW?

Kahit anong panahon ay magandang panahon para mangalap ng donasyon para sa OTW at manghikayat ng mga tao na sumali!

Paano kung may limang mga tagahanga na gustong magsagawa ng limang iba’t ibang pangangalap-pondo sa iisang con?

Mas marami, mas masaya. Lagi kaming natutuwa kapag may mga taong nais mangalap para sa OTW, at masaya kaming magbigay ng mungkahi at libreng materyal na maaaring i-download para makatulong.

Maaari bang gamitin ng ibang mga tao ang mga logo ng OTW sa kanilang mga panulat at paanyayang pang-promosyon? Kailangan bang maaprubahan muna ang paggamit ng mga ito?

Maaari kayong gumamit ng mga logo at imahe ng OTW para itaguyod ang inyong inorganisang pangangalap-pondo; hindi namin nais na pigilan ang pag-aanunsiyo ng ibang tao. Hinihiling lamang namin na ipamahagi sa ganitong mga okasyon ang mga panulat at impormasyon ukol sa OTW, kabilang na ang aming polyetong maaaring i-download (sa wikang Ingles) at PDF form para sa pagmimiyembro at pagbibigay-donasyon (sa wikang Ingles). Maaari din namin kayong padalhan ng mga materyal na pang-promosyon kung kinakailangan, pero mas ikatutuwa namin kung kayo na ang maglilimbag sa mga ito.

Ang paggamit ng alinmang logo ng OTW para sa okasyong inorganisa ng ikatlong partido ay hindi nangangahulugan ng pagtangkilik ng OTW ng alinmang produkto, serbisyo, samahan, o indibiduwal.

Maaari bang ibawas sa buwis ang mga donasyon na ginawa sa isang okasyong inorganisa ng ikatlong partido?

Inaprubahan ng IRS ang 501(c)(3) nonprofit na katayuan ng OTW sa Estados Unidos. Gayunpaman, hindi magbibigay ng indibiduwal na resibo sa mga pondong nakalap sa mga okasyong isinagawa ng ikatlong partido kung ang mga ito ay ipinadala ng nag-organisa nang kabuuan. Hinihikayat kayo ng OTW na maglagay ng kompyuter na may koneksyon sa internet upang maging miyembro ang mga dadalo o makagawa sila ng donasyon online; ang mga donasyong ito ay bibigyan ng resibo, kung gusto nila. Gayon rin, maaari kayong maglimbag ng sarili ninyong kopya ng aming PDF form ng pagmimiyembro at pagbibigay ng donasyon (sa wikang Ingles) at ipamahagi ang mga ito para sa pagpapadala gamit ang koreo.

Kung kayo ay nasa labas ng Estados Unidos, magagalak din ang OTW kung magsasagawa kayo ng pangangalap-pondo. Ngunit malaki ang posibilidad na hindi ito maituturing na bawas sa buwis ng mga tanggapan ng pagbubuwis sa labas ng Estados Unidos.

Kung mayroon kayong mga karagdagang tanong o nais ninyo ng mga suhestiyon kung paano magsagawa ng okasyon para sa pangangalap-pondo para sa OTW, mangyaring makipag-ugnayan sa komite ng Pagsulong at Kaaniban.