Sino kami
Ang pangkat ng Tulong ang pangunahing daluyan ng komunikasyon sa pagitan ng mga tagagamit ng Archive of our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) at ng iba’t ibang mga pangkat na nagpapatakbo at namamahala ng AO3. Tumutulong ang pangkat ng Tulong sa paglutas ng mga teknikal na problemang nararanasan ng mga tagagamit, nagsasagot ng mga tanong tungkol sa AO3, nagbabahagi ng mga tugon at hiling para sa mga katangian ng mga tagagamit sa mga coder at taga-disenyo, mga tester, at mga tag wrangler, at nagpapadala ng ibang mga katanungan at katugunan sa mga nauugnay na komite.
Isa kaming purong-boluntaryo na pangkat, at matatagpuan ang aming mga miyembro sa iba’t ibang mga bansa. Nakikipag-ugnayan kami sa mga tagagamit at sa isa’t isa sa pamamagitan ng panulat na teksto. Kung walang boluntaryo sa Tulong na gumagamit ng wikang ginamit ng tagagamit sa kanilang pakikipag-ugnayan sa amin, makikipagtulungan kami sa Komite ng Pagsasalin upang matugunan namin ang tagagamit sa kanilang napiling wika. Kasalukuyan kaming nakakatanggap ng mula 1000 hanggang 2000 na mga tiket bawat buwan.
Ang aming mga saligan
Kahusayan sa pagtugon, pagiging malinaw, at mapagkakatiwalaan ang aming mga gabay na saligan. Ibig sabihin, layon namin na makapagbigay ng matulungin at napapanahong tugon sa mga tagagamit, na maging bukas sa mga tagagamit at ibang mga komite sa aming makakaya, at igalang ang pribasiya ng tagagamit sa pamamahala ng maseselan o kumpidensyal na impormasyon. Dahil kasama ito sa aming tungkulin, nakikita namin ang mga kumpidensyal na impormasyon, ngunit hindi namin ibubunyag ang katauhan o impormasyon sa pakikipag-ugnayan ng tagagamit, kahit sa ibang mga komite, maliban kung kailangan ang impormasyong ito sa paglutas ng problema. Hindi tinatalakay sa publiko ang nilalaman ng partikular na mga tiket, ngunit maaari kaming maglabas ng pinagsama-samang impormasyon tulad ng kabuuang bilang ng mga tiket o mga pangkalahatang pagkagawi.
Tinuturing namin ang ulat ng isang tagagamit na kasing-importante ng mga katanungan ng dose-dosenang mga tagagamit. Mangyaring tandaan na hindi kailangan ang karagdagang mga ulat ukol sa parehong problema, maliban kung mayroon kang bagong impormasyon na idaragdag, at maaari pa itong maging sagabal sa aming trabaho sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga tiket na kailangan naming tugunan. Kung malulutas mo mismo ang iyong problema bago kami makatugon, maari kang magpadala ng bagong tiket para ipaalam ito sa amin!
Ang aming ginagawa (at hindi ginagawa)
Araw-araw, nagpapadala ang mga tagagamit ng mga ulat ng mga problema sa paggamit ng AO3, mga tanong ukol sa mga katangian ng site, at mga hiling para sa panghinaharap na pag-unlad. Natatanggap ng pangkat ng Tulong ang lahat ng mga tiket na ito gamit ang aming tracking software, at ang aming mga boluntaryo ang mismong nagtatalaga ng mga tiket na kanilang tutugunan, depende sa oras na meron sila, sa kasanayan nila sa tinukoy na katangian o problema, o sa husay nila sa wika. Sa kalaunan, matutugunan ang lahat ng mga tiket, maliban kung nag-iba ang hiling ng tagagamit, ngunit hindi namin laging naaasikaso ang mga tiket ayon sa pagkakasunud-sunod ng aming pagtanggap. Maaaring mabilis na matugunan ang ilang mga tiket, habang mangangailangan ang iba ng mas maraming oras para masuri ang sanhi ng problema, magsagawa ng pagsusuri, o makipag-ugnayan sa ibang mga nauugnay na pangkat. May mataas na prayoridad ang ilang problema (tulad ng mga ulat ng bug na mapanira sa site) habang hindi gaanong kagyat ang iba (tulad ng mga kahilingan para sa panghinaharap na mga katangian). Maaari ring mag-iba ang bilis ng aming pagtugon batay sa kasalukuyang dami ng mga tiket at kakayahang tumugon ng aming mga miyembro. Karaniwang sinusuri ang bawat tugon ng hindi kukulang sa isa pang kawani na nagsisilbing “beta” na maghahanap ng mga pagkakamali, mga nakaligtaan, o mga sala sa paglilimbag bago ipadala ang tugon.
Maliban sa mga problemang sakop ng pang-teknikal na tulong, nakakatanggap din kami ng mga tanong tungkol sa mga patakaran at pamamaraan ng AO3, tulad ng mga tanong sa uri ng nilalaman na pinahihintulutan sa site, o tanong kung paano isinasaayos ang mga tag. Para sa mga problemang kaugnay sa mga partikular na tag, makikipag-ugnayan kami sa mga Tag Wrangler kung kinakailangan upang masagot ang tanong o matugunan ang problema. Habang masasagot namin ang mga pangkalahatang tanong tungkol sa Palatuntunan ng Serbisyo, hindi namin matutugunan ang mga problemang mas angkop na panghawakan ng Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso, tulad ng mga ulat sa posibleng paglabag sa Palatuntunan ng Serbisyo ng AO3 (panliligalig, pamamalahiyo, mga kathang mali ang pagkaka-tag, etc.), mga problemang nangangailangan ng pagkumpirma ng katauhan tulad ng pagbabalik ng karapatan sa nawalang account, o problemang kaugnay sa karapatan sa mga naulilang katha. Kung makatanggap kami ng ganitong mga problema, hihingin namin sa tagagamit na makipag-ugnayan na lamang sila sa Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso. Dapat idirekta sa Komite ng Pagpapaunlad at Kaaniban ang mga tanong tungkol sa mga kampanya para sa pagbibigay ng donasyon, pagsali sa OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha), at natatanging handog.
Bukod sa pagsagot ng mga tiket, gumaganap din kami ng ibang mga tungkulin. Binabago namin ang pahina para sa mga Known Issues. Lumilikha kami ng panloob na dokumentasyon para sa mga bug at hiling para mga katangian, at kadalasan kaming tumutulong sa pagsusuri ng kalutasan para sa mga bug o ng bagong mga katangian. Sumasangguni kami sa ibang komite para makapagbigay-kaalaman sa mga problemang may kinalaman sa kadalubhasaan ng Tulong, tulad ng pagbibigay-payo sa Komite ng Dokumentasyon para sa AO3 ukol sa mga pangkaraniwang tanong ng mga tagagamit na kapaki-pakinabang na idagdag o liwanagin sa FAQ. Ang mga tagapangulo ng Tulong ang namamahala sa pagrerekrut ng bagong mga miyembro sa pangkat, pagsasanay, at pamamahala ng mga miyembro ng pangkat.
Hindi kami ang nangangalaga o nangangasiwa ng twitter account na AO3_Status, subalit inirerekomenda namin na sumangguni doon para sa balita ukol sa mga matinding pagkaantala o problema sa site bago makipag-ugnayan sa Tulong. Gayundin, hindi namin binabantayan ang mga komento sa mga paskil ng balita para sa mga tanong, subalit kung mapansin ito ng isa sa aming mga boluntaryo, maaari nilang sagutin ito, o abisuhan ang tagagamit na makipag-ugnayan nang direkta sa Tulong.
Makipag-ugnayan sa amin
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa trabaho ng pangkat ng Tulong, o kung interesado ka na maging boluntaryo, o kung may iba ka pang mga katanungan, mangyaring makipag-ugnayan sa amin — ikalulugod naming makarinig mula sa iyo.