Kung Sino Kami
Ang komite ng Pangkat ng mga Kawani ng Lupon ay tumutulong sa Lupon ng mga Tagapangasiwa ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) sa mga administratibong gawain at pamamahala ng proyekto. Nakikipagtulungan din kami sa ibang mga komite upang tumulong sa pag-uugnay at pagkumpleto sa mga espesyal na proyekto na nangangailangan ng dagdag na suporta.
Ang ilan sa aming mga regular na gawain ay ang pamamatnugot sa mga publikasyon ng Lupon, pamamahala ng server sa Discord ng Lupon ng OTW, pag-uugnay ng mga proyekto, at pagrerepaso sa mga dokumentasyon ng Lupon. Karamihan sa gawain ng Pangkat ng mga Kawani ng Lupon ay nakatuon sa panloob na proyekto ng OTW, kaya hindi gaano kalaki ang aming presensiya (bukod sa pamamahala ng mga pagpupulong ng Lupon sa Discord) – hindi kami isang komite na madalas niyong makikitang nagsasapubliko ng mga balitang paskil o nagho-host ng mga pampublikong kaganapan.
Bagama’t maiging nakikipagtulungan ang Pangkat ng mga Kawani ng Lupon sa Lupon, ang mga boluntaryo nito ay hindi miyembro ng Lupon at walang kaakibat na awtoridad nang gaya sa mga miyembro ng Lupon. Halimbawa, ang mga boluntaryo ng Pangkat ng mga Kawani ng Lupon ay hindi makakaboto sa mga desisyon ng Lupon, magtatag ng mga polisiya ng OTW, o mamagitan sa mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga komite.
Sa labas ng aming mga gawain sa Lupon, nakikipagtulungan din ang Pangkat ng mga Kawani ng Lupon sa ibang mga komite upang suportahan ang mga magkakaparehong layunin at proyekto ng iba’t ibang komite. Layunin ng Lupon na suportahan ang OTW, at kami, bilang mga boluntaryo ng Pangkat ng mga Kawani ng Lupon, ay ginagawa ang aming makakaya upang magawa iyon.
Panloob na Istruktura
Binubuo ang aming pangkat ng lima hanggang labinlimang boluntaryo, na pinaghihiwalay sa apat na espesyalisasyon: Mga Tagapatnugot/Manunulat, Mga Eksperto sa Dokumentasyon, Mga Tagapamahala, at Mga Espesyalista ng Proyekto.
Ang mga Tagapatnugot/Manunulat ng Pangkat ng mga Kawani ng Lupon ang tumutulong sa pagbabalangkas at pamamatnugot ng mga balitang paskil, mga pahayag, mga polisiya, at iba pang mga dokumento para sa Lupon ng OTW. Ang mga Eksperto sa Dokumentasyon ng Pangkat ng mga Kawani ng Lupon ang gumagawa at nagrerepaso ng mga panloob na dokumentasyon ng OTW upang maiwasan ang pagkawala ng pang-institusyong kaalaman at pagbutihin ang aninaw. Ang mga Tagapamahala ng Pangkat ng mga Kawani ng Lupon ang namamahala sa Discord ng Lupon ng OTW at sa mga komento na nasa AO3 at Blog ng Balita Ukol sa OTW. Ang mga Espesyalista ng Proyekto ng Pangkat ng mga Kawani ng Lupon ang kumukumpleto sa mga espesyal na proyekto ng pananaliksik o polisiya para sa Lupon at ibang mga komite.
Ang bawat espesyalisasyon ay nakatuon sa mga gawaing idinetalye sa itaas, subalit nakikipagtulungan at tumatanggap din kami ng suporta mula sa ibang espesyalisasyon at miyembro ng pangkat. Binibigyang-diin namin ang pakikipagtulungan sa ibang mga komite upang suportahan sila sa mga gawain kung nais nila ng karagdagang tulong.
Paminsan-minsan, nagrerekrut din ang Pangkat ng mga Kawani ng Lupon ng mga espesyalista na kukumpleto sa mga partikular na panandaliang proyekto o layunin. Maaari itong maging isang kapaki-pakinabang na paraan upang matugunan ang mga gawain na nangangailangan ng mas espesyal na kadalubhasaan o kaalaman na wala kami sa komite sa kasalukuyan.
Makipag-ugnayan sa amin
Kung nais mong malaman ang higit pa tungkol sa Pangkat ng mga Kawani ng Lupon, o kung mayroon kang iba pang mga katanungan, mangyaring makipag-ugnayan sa amin – ikalulugod naming makarinig mula sa iyo.