Komite ng Pagsasalin

Tungkol sa amin

Binubuo ang Komite ng Pagsasalin ng mga boluntaryo mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Pangunahing tungkulin naming
ipamahagi ang mga nilalaman ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) at ang mga proyekto nito sa mga tagahangang hindi nagsasalita ng wikang Ingles. Tinutulungan din namin ang iba pang mga komite ng OTW na makipag-ugnayan sa mga tagahanga at tagagamit na hindi nagsasalita ng wikang Ingles.

Binubuo ang komite ng mga tagasalin at ng mga katiwala ng mga boluntaryo. Pinagpapangkat ang mga tagasalin ayon sa wika; sila ang nagsasalin at namamatnugot ng mga isinaling teksto. Ang mga katiwala ng mga boluntaryo ang nakikipag-ugnayan sa mga pangkat at namamahala sa iba’t ibang tungkuling administratibo na may kaugnayan sa gawaing pagsasalin, tulad ng paggawa at pag-upload ng mga dokumento, pagsubaybay sa mga deadline, pakikipagpanayam sa mga aplikante, at pagsasanay ng mga bagong boluntaryo.

Mayroon kaming 47 na pangkat ng wika na may iba’t ibang laki: Afrikaans, Arabe, Bengali, Bulgarian, Catalan, Simplified Chinese, Traditional Chinese, Croatian, Czech, Danish, Dutch, Estonian, Pilipino, Finnish, Pranses, Aleman, Greek, Hebrew, Hindi, Hungarian, Indonesian, Italian, Hapon, Koreano, Kyrgyz, Lithuanian, Macedonian, Malay, Marathi, Norwegian, Persian, Polish, Brazilian Portuguese, European Portuguese, Romanian, Russian, Serbian, Sinhala, Slovak, Slovenian, Espanyol, Swedish, Thai, Turkish, Ukrainian, Vietnamese, at Welsh. Palagi rin kaming naghahanap ng mga oportunidad na bumuo ng mga panibagong pangkat ng wika!

Ang aming tungkulin

Sinasalin ng Komite ng Pagsasalin ang mga materyales para sa OTW at sa mga proyekto nito, kasama na ang pangunahing site ng organisasyon at ang mga FAQ ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Sinasalin din namin ang mga balita at anunsyo ng mga proyekto ng OTW, tulad ng mga anunsyo ng Open Doors tungkol sa mga paglilipat (ng mga katha), mga balita ukol sa AO3, at mga kampanya para sa pagiging kaanib ng OTW.

Tumutulong din kami sa Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso at sa mga pangkat ng Tulong sa pamamagitan ng pagsasalin sa mga mensahe’t kahilingan ng mga tagagamit na hindi nakasulat sa wikang Ingles, pati na rin sa pagtugon sa mga pampublikong komento na hindi rin nakapaskil sa wikang Ingles.

Tungkol sa pangkat Pilipino

  • Nabuo ang pangkat ng wikang Pilipino noong Pebrero 2016.
  • Kasalukuyan itong binubuo ng 4 na boluntaryong tagasalin.
  • Sinasalin nila ang mga nilalaman tulad ng mga FAQ ng AO3 at website ng OTW.
  • Nagsasalin rin sila ng mga espesyal na proyekto tulad ng paghahanda ng mga pagsasalin para sa kampanya para sa pagiging kaanib ng OTW at halalan.
  • Tumutulong ang ilang mga miyembro sa mga pangkat ng Tulong at Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso sa pagtugon sa mga hinaing ng mga tagagamit ng AO3.

Makipag-ugnayan sa amin

Kung nais mong malaman ang iba pang mga impormasyon tungkol sa mga gawain ng Komite ng Pagsasalin, ang aming mga pangkat, o kung paano maging boluntaryo, o kung may iba ka pang katanungan, mangyaring makipag-ugnayan sa amin—malugod namin kayong sasagutin.

Ang aming lokasyon

Narito ang isang mapa na ipinapakita ang konsentrasyon ng mga miyembro ng Komite ng Pagsasalin ng OTW hanggang Disyembre 2022, na may mga bansang may mas madilim na kulay dahil may mas marami silang miyembro. (Tanging ang mga miyembrong sumang-ayon sa pagtala ang isinama sa bilang.) Ipinapakita sa mapa ang nasyonalidad o estado ng residensya ng mga miyembro, depende sa kung ano ang kanilang piniling gamitin.