Test Suite of Fair Use Vids

Ang Test Suite sa ibaba ay inihandog bilang pagtangkilik sa panukala ng Electronic Frontier Foundation (EFF) na ipinapanukalang pagpapatuloy ng mga exemption sa ilalim ng DMCA para sa mga di-pangkomersyal na manlilikha ng video, katulad ng mga vidder. Maaaring unawain na ang mga vid na ito ay pinaliit upang mapakinabangan ng mga ordinaryong manonood; nilikha ang mga ito upang ipalabas sa mga sinehan at/o para i-download.

Ika-2 ng Agosto 2012. Sumagot ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) sa mga katibayang iniharap ng DVD CCA; basahin ang ang aming kasagutan at tingnan ang ikalawang grupo ng eksibit ng OTW sa aming ikalawang galeriya ng mga imahe.

Ika-4 ng Hunyo 2012. Pagtetestigo nina Francesca Coppa, Rebecca Tushnet, at Tisha Turk sa mga paglilitis sa Library of Congress; pagpapakilala ni Turk sa aming Galeriya ng mga Imahe na naglalaman ng aming mga obra.

Ika-2 ng Marso 2012. Nagsumite sina Rachael Vaughn at Rebecca Tushnet ng Kasagutan sa ngalan ng OTW (PDF). Nagsumite rin ang EFF ng sarili nilang Kasagutan (PDF) na tumatangkilik sa iba’t ibang exemption, kabilang ang exemption para sa mga Di-pangkomersyal na Remixer.

Ika-1 ng Disyembre 2011.
Sina Rebecca Tushnet, Rachael Vaughn, at Francesca Coppa ay nakipagtulungan sa EFF upang makapagsumite ng isang mungkahi para ipagpatuloy at palawakin ang eksepsyon sa ilalim ng DMCA para sa mga Di-Pangkomersyal na Remixer (PDF).

Ika-26 ng Hulyo 2010. Nagpasa ng hatol ang U.S. Library of Congress na pabor sa mga eksepsyon sa ilalim ng DMCA. Naglabas naman ang OTW ng kanilang pahayag bilang pagtugon sa hatol.

Ika-2 Disyembre 2008. Nagsumite ang OTW ng kasagutan na tumatangkilik sa panukala ng EFF na magkaroon ng eksepsyon sa ilalim ng DMCA, na nagpapahintulot sa paghugot ng mga eksena mula sa isang DVD upang maisama ito sa mga di-pangkomersyal na remix, tulad ng mga fanvid, na itinuturing na “fair use (patas na paggamit)” (PDF, o tingnan bilang HTML). Ang Komentaryo ng Electronic Frontier Foundation ay maaari ring i-download o tingnan bilang HTML.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming patuloy na pangangampanya para sa DMCA, maaring tingnan ang aming pahina para sa Legal Advocacy (Batasang Pagtataguyod).

Naniniwala ang OTW na ang mga kathang di-pangkomersyal, tulad ng mga fanvid, na malikhaing paggamit ng materyal na may umiiral na karapatang-sipi, ay nakakapagpabago, at ang mga ganoong uring ibahing katha ay ligal ayon sa batas ng Estados Unidos patungkol sa karapatang-ari.


Kinakailangan ng mga Vidder ang Orihinal na Video na may Mataas na Kalidad upang Baguhin ang Teksto

Karaniwang minamanipula ng mga vidder ang mga video sa iba’t ibang paraan: pinapabilis, pinapabagal, binabago ang kulay, ginugupit at pinapalaki, nilalagyan ng iba’t ibang effect, at binabago ng pokus ng pansin. Sa gayon, hinahanap nila ang pinakamataas ng kalidad ng video, dahil alam nilang may kaakibat itong epekto sa imahe; kung sinimulan ito gamit ang orihinal video na may mababang kalidad, maaaring hindi ito maging klaro.

Makikita sa ibaba ang isang split-screen video na may dalawang minuto ang haba. Gawa ito ni Tisha Turk, vidder at miyembro ng Komite ng Fan Video at Multimedia; ang kaliwang bahagi ay hinugot mula sa DVD, at ang kanang bahagi ay nirekord lamang. Simple lamang ang pagmamanipulang ginawa sa video — binagalan lamang ito. Madalas at maaring gawin ito ng kahit sinuman — bakas agad ang pixellation at mababang kalidad ng nirekord na video. Malamang hindi na klarong mapapanood ang video na ito, lalo na kung dadagdagan pa ito ng iba pang effect; ika nga ng mga vidder, “Basura sa simula, basura sa huli.”

Tumungo sa Galeriya ng mga Imahe I at sa Galeriya ng mga Imahe II para makakita ng mga pinagtabing imahen na nagpapakita ng pagkakaiba ng kalidad sa pagitan ng mga hinugot mula sa orihinal at sa mga nirekord lamang.

Ang Vidding ay Isang Lehitimong Gawaing Pansining na Mahalaga para sa Kultura Dahil Kumakatawan ito sa isang Matatag at Lumalagong Komunidad.

Women’s Work (Trabahong Pambabae), nina Sisabet at Luminosity

Humuhugot ang mga video remix mula sa orihinal na materyal upang makapaglaan ng panibagong naratibo, na kadalasa’y pumupuri o pumupuna sa orihinal. Ang madalas pag-usapang video na pinamagatang “Women’s Work (Trabahong Pambabae)” nina Sisabet at Luminosity ay batay sa Supernatural, isang teleseryeng tungkol sa dalawang lalaking magkapatid na nangangaso ng mga multo. Gayunman, halos wala ang mga bida sa vid na ito. Sa halip, pinagtatagpi nito ang mga imahen ng mga kababaihan mula sa hindi na mabilang na mga episodyo ng palabas. Ito ay mga kababaihang pinapakita lamang bilang kagamitang pang-sekswal, bilang mga nagdurusa o demonyo. Mayroong isang tagapunang naglarawan dito bilang isang “pangdoktoradong tesis ukol sa kapootan sa mga kababaihan sa mga pangunahin at di-nasusuring balangkas ng mga kuwento…malinaw at madamdaming ipinapakita ng vid kung paano dumedepende sa pagdurusa ng kababaihan ang karamihan sa mga alam at paulit-ulit nating isinasalaysay na mga kuwento.”
Ang “Women’s Work” ay itinampok sa New York Magazine, at ang vid ni Luminosity ay ibinanggit sa “Vogue” bilang “pinakamagandang fan video ng taon” noong 2007.

The Price (Ang Halaga), ni Things With Wings

“The Price (Ang Halaga)” ay isang vid tungkol sa “manpain” (kirot ng kalalakihan) — isang salitang nilikha ng mga tagahanga upang ilarawan ang “labis at makasariling pangangamba ng mga kalalakihan.” Kinakailangan ng manpain na makiramay ang mga manonood sa pinalabis na pagdurusa ng bidang lalaki kaysa sa pagdurusa ng mga biktima ng karahasan at pananakit; sa ganitong klaseng mga kuwento, ang mga biktima — na kadalasan ay babae — ay ipinamumukhaang di-mahalaga sa naratibo, o, ika nga ni Things With Wings, “ang manpain ay nakatuon sa kamera — sino ang binibigyang pansin tuwing may masamang nangyayari?” Dagdag ni Things With Wings, kinakailangan niyang “ipahayag ang aking nararamdang inis dulot ng mga katawa-tawang/kakila-kilabot na katangian ng mga trope na laging ginagamit AT ang mga karaniwang (at kadalasang problematikong) reaksyon ng karamihan ng mga tagahanga sa mga tropong iyon…” Ang vid ay parehong pumupuna sa paggamit ng mass media ng manpain, at sa pagtangkilik ng komunidad ng mga tagahanga sa mga ganitong klaseng mga lalaking tauhan at ang kanilang pagdurusa.

Ang Paglikha ng Video ay Nagpapayabong sa Kapwa Teknikal na Kakayahan at sa Pagkamalikhain.

This Is How It Works (Ganito ’to Gumana), ni Lim

Halos bawat kuwadro ng “This is How it Works (Ganito ‘to Gumana)” ay nilikha gamit ang mga orihinal na eksena mula sa teleseryeng Stargate Atlantis, na hindi lamang hinugot kundi minanipula ang hitsura sa pamamagitan ng image editing software. Patuloy na nagbabago ang mga numero ayon sa ritmo ng musika; ito ay bahagi ng mensahe ng vid tungkol sa dalawahang persona ng tauhang si Rodney McKay, isang siyentipiko na nais maging musikero. Pagkatapos ibahagi ang vid, nagsulat si Lim ng masaklaw na teksto ukol sa kanyang proseso, kung saan inisa-isa niya kung paano niya ginawa ang mga effect. Hindi lamang kadalubhasaang teknikal ang ipinapakita ng “This is How it Works” kundi rin ang sensibilidad ng pagiging malikhain. Ang isa pa sa mga nilikhang vid ni Lim, ang “Us” (Tayo), ay kasulukuyang nasa isang pansining na eksibisyon, na pinamagatang Mediated, sa Museo ng Potograpiya sa California.

Piece of Me (Isang Bahagi Ko), ni Obsessive24

Sa malikhaing paraan, sadyang hinahalo ng “Piece of Me (Isang Bahagi Ko)” ang magagandang imahe ni Britney Spears mula sa kanyang mga DVD video, sa mga magagaspang na imahe ng mang-aawit (mga litrato mula sa tabloid, at mga sadyang di-klaro na video mula sa Youtube) upang ipakita ang pagkakaiba ng personang sadyang pinapakita ng mang-aawit sa mas kaawa-awang naratibo ng pagsasamantala, komodipikasyon, at kabiguang inilalathala sa mga tabloid. Ang “Piece of Me,” na kinanta mismo ni Spears, ay mukhang dapat intindihin bilang hamon na makipag-away: “Gusto mo ba ‘kong subukan?” Ngunit ibinubunyag ni Obsessive24 ang nakatagong kahulugan ng mga salitang ito, na nagpapahiwatig ng karahasan dulot ng pagkakapira-piraso sa kanyang imahen. Ang resulta ay isang halos klasikong naratibo ng trahedya, kung saan si Spears ay pinagsasamantahalan ng mga ganid: ang kanyang pamilya, Hollywood, ang media, at tayo, ang mga manonood.

Ang Mga Vid ay Uri ng Lehitimo at Napapanahong Pagpupuna sa Kultura.

Handlebars (Manibela), nina Seah at Margie

Ang “Handlebars (Manibela)” nina Seah at Margie ay isang pagsusuri sa karakter ng Doktor sa Doctor Who. Isa rin itong komentaryo tungkol sa kahulugan ng kapangyarihan at responsibilidad. Nagsisimula ang vid gamit ang mga imaheng naglalarawan sa kakaibang kaugalian ng Doktor, at nagpapatuloy ito sa mga mas mapanganib na aspeto ng kanyang mga pakikipagsapalaran, kasama ang kanyang mga maliliit na paggamit ng kapangyarihan. Nagwawakas ito sa mga imahen ng karahasan at pagkawasak dulot ng sarili niyang mga kamay (alang-alang sa mas ikabubuti). Ang Doktor ang siyang bida ng teleseryeng ipinangalan sa kanya; ang vid ay nagsisilbing mabisang pagpupuna sa mga pagkukulang ng palabas pagdating sa moralidad, sa pamamagitan ng pagbago sa pananaw ng mga manonood tungkol sa mga pangyayaring napanood na nila. Ang vid na ito, kung saan pinagsama ang mga imaheng pinakamahalaga at pinakamakabuluhan sa gawain ng Doktor, ay tusong nagpapahiwatig ng pagpupuna sa karakter, lalo na sa kontekstong kasabay ng mga linya sa awitin: “Ang aking layunin ay marangal / ang aking kapangyarihan ay dalisay … Kaya kong gawin ang kahit ano nang walang pahintulot … kaya kong puksain ang mundo.”

Buffy Vs. Edward, ni Jonathan McIntosh

Sa pampulitikang video remix ni Jonathan McIntosh na pinamagatang “Buffy Vs. Edward,” haharap ang palihim na lalaking bampira mula sa Twilight sa pemenistang idolo na si Buffy the Vampire Slayer. Ang remix na Ito, na nilikha noong 2009, ay nagkamit ng higit sa 4 na milyong panonood at naisalin na sa mahigit 30 wika. Itinampok na rin ito sa mga tanyag na media outlet tulad ng NPR, ang LA Times, ang Boston Globe, at Salon.com. Gumamit si McIntosh ng iba’t ibang eksena upang gawin ang remix na ito. Humugot siya hindi lamang mula sa mga karaniwang DVD, kundi pati na rin sa mga materyales na may mataas na kalidad, kung saan sapat ang laki ng mga imahen upang maitabas niya ang iba pang mga tauhan mula sa kuwadro (upang mas epektibong malikha ang panibagong naratibo). Mula noon, nilikha rin ni McIntosh ang “Right Wing Radio Duck” (Ang Pato ng Pang-Konserbatibong Radyo), isang tampok na obra kung saan nakikinig si Donald Duck sa radyong pinamamahalaan ni Glenn Beck. Sasali si Donald sa Tea Party ni Glenn, at ito’y magdudulot ng kaawa-awang resulta. Nilikha rin niya ang “Too Many Dicks on The Daily Show” (Masyadong Maraming Titi sa The Daily Show), na pumupuna sa grupo ng mga manunulat ni Jon Stewart, na dinodominante ng mga kalalakihan.

It Depends On What You Pay (Depende sa Bayad), ni Gianduja Kiss

Ang vid ni Gianduja Kiss noong 2009 na pinamagatang “It Depends on What You Pay (Depende sa Bayad)” ay pumupuna sa noo’y bagong teleserye, ang Dollhouse, isang palabas na science fiction kung saan may isang korporasyon na bumubura sa mga alaala ng mga indibidwal (“Dolls” o “Manika”). Pinapalitan ng korporasyon ang kanilang mga personalidad ayon sa bago at ninanais na disenyo, paagkatapos ay ipinapahiram ang mga ito para sa personal, at kadalasang sekswal, na layunin. Bagamat ang orihinal na layunin ng palabas na ito ay maging dystopic (isang paglalarawan ng kalagayan ng mundo bilang malumbay at walang pag-asa) at kabali-balisa, ang pakiramdam ng maraming babaeng tagahanga ay hindi lubusang naintindihan ng palabas na tungkol ito sa panggagahasa — ang pagbubura ng mga alaala ay kumakatawan sa kawalan ng pahintulot — at, na posibleng hindi nakakatuwang paksa ang panggagahasa para sa mga karamihan ng mga babaeng tagahanga. Sa pamamagitan ng pag-remix ng palabas kasama ang isang masiyahing kanta tungkol sa panggagahasa na hinugot mula sa The Fantasticks (na siya mismong pananda ng isang bagay na dati’y itinuring na kawili-wili na ngayo’y itinuturing nang nakakagalit), sumali si Gianduja Kiss sa isang diskurso na sumasaklaw sa blogosphere at sa pang-masang media, at epektibo niyang inilathala ang kanyang argumento gamit ang multimedia. Ika nga ng isang pemenistang blogger matapos panoorin ang vid, “Ang mga eksena ng panggagahasa sa Dollhouse ay bihirang ipinapakita bilang panggagahasa. Kadalasang inilalarawan ang mga ito bilang kasiyahan, nagkataunang pagtatalik, at pagtatalik na may halong emosyon… Kinakailangan ng fanvid na lapatan ng takot ang mga pangyayari… dahil sa labas ng konteksto ng layunin ng palabas, wala halos pinapakita ang mga eksenang ito na humihimok sa manonood na intindihin ang mga ito sa kabila ng panlabas nitong anyo.” Upang sumali sa talakayan habang nangyayari ito, gumamit si Gianduja Kiss ng mga eksena mula sa Amazon Unbox; walang magamit na eksena mula sa DVD noong panahong iyon.

Ang mga Vid ay Nagpapahiwatig ng mga Alternatibong Pagbasa at Katotohanan.

Closer (Mas Matalik) by T. Jonesy and Killa

Ang “Closer (Mas Matalik)” ay isang Star Trek vid kung saan nilalapatan ng sekswal na lente ang mga mararahas na pagtatagpo ng mga tauhang sina Kirk at Spock. Ayon kay Henry Jenkins sa kanyang pagtalakay ng “Closer” sa How to Watch a Fan-Vid (Paano Manood ng Fanvid): “[a]ng mga ganitong klaseng gawa ay nagbibigay-kahulugan sa orihinal na serye, ngunit hindi sa paraan na alam ng karamihan sa mga guro ng panitikan. Hindi lamang nila sinusubukang ibalik ang nais iparating ng mga orihinal na manlilikha. Nais din nilang harapin ang mga haka-haka, tugunan ang mga tanong na nagsisimula sa “Paano kung”, at magpahiwatig ng mga alternatibong katotohanan.” Sa katunayan, tinatanong ng pambungad ng “Closer” ang sumusunod: “Paano kung hindi sila umabot sa Vulcan sa nakatakdang oras?” pagkatapos ay gumawa ito ng kathang-isip na eksena upang sagutin ang katanungang ibinanggit. Isa itong nakakabalisang vid para sa maraming tagahanga, ngunit iyon talaga ang layunin nito. Pinagtatabi nito ang konsepto ng sekswal na karahasan at ang karahasan ng pagbabasa ng isipan ng ibang tao. Sinasalamin din nito ang mga kontrobersyal na tema sa mga fan fiction na isinulat noong mga nakaraang dekada tungkol sa episodyo ng Star Trek na ipinamagatang “Amok Time (Nagulong Oras).”

“White” and Nerdy (“Puti” at Pagiging Isang Nerd) ni talitha78

Ang “‘White’ and Nerdy (“Puti” at Pagiging Isang Nerd) na nilikha ni vidder talitha78 ay isang pagtugon sa isang serye ng mga debate ukol sa lahi at kulturang pang-masa. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paglikha ng vid na nakatuon kay Gus, isang African-American na karakter sa teleseryeng Psych. Ayon sa paliwanag ni talitha78, “ang paglikha nito ay naging paraan upang maunawaan ko ang aking mga problema tungkol sa [mga debate ng mga tagahanga tungkol sa lahi, na kilala bilang] RaceFail 2009. Tulad ni Gus, isa rin akong “nerd of color (nerd na may kulay)” sa isang lipunan kung saan ang pagiging nerd ay kadalasang iniuugnay sa pagiging ‘puti’. Nais kong alisin ang stereotype na iyon sa pamamagitan ng vid na ito….” Sa gayon, ipinapakita ng “‘White’ and Nerdy” ang di-pagpansin sa mga lahi, at kung paano kinakaligtaan ang mga itim na nerd dahil hindi sila bumabagay sa mga estereotipo tungkol sa pagiging itim o tungkol sa kultura ng pagiging nerd/geek.

The Test (Ang Pagsubok) ni here’s luck

Pinagsama-sama ng “The Test (Ang Pagsubok)” ang mga eksena mula sa movie reboot ng Star Trek noong 2009 sa mga eksena ng orihinal na teleserye, upang mailarawan ang isang kuwentong matagal nang naisulat sa fan fiction noong panahong iyon: sa reboot movie, noong nililipat ni Spock Prime kay Kirk ang kanyang mga alaala tungkol sa pagkawasak ng Romulus, di-sinasadyang nailipat niya rin ang kanyang mga alaala tungkol sa mga pangyayaring naganap sa orihinal na serye, kasama rito ang mga alaala ng pagkahumaling nila sa isa’t isa sa orihinal na timeline. Gumagamit ng mga special effect si here’s luck upang ihudyat ang pagkakaiba ng mga kasulukuyang pangyayari sa mga alaala, upang ipahiwatig na ang mga imahen mula sa orihinal na serye ay unti-unting umaabot (sa malabo at, marahil, di-sinasadyang paraan) sa kasalukuyan, upang lagyan ng suhestiyong sekswal o romantiko ang mga imaheng iyon, at upang lumikha ng naratibo kung saan ang mga alaala ni Spock Prime ay patuloy na tumatagos sa kamalayan ni Kirk sa kabuuan ng pelikula noong 2009. (Basahin ng karagdagang paliwanag ukol sa vid.)