Kampanya para sa Oktubre 2021: Maraming Salamat sa Iyong Suporta

Tapos na ang Kampanya sa Pagiging Kaanib ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) para sa Oktubre, at nasisiyahan kaming sabihin na nakalikom kami ng isang nakakagulat na kabuuang halaga na umaabot sa US$195,009.65, higit nitong nalampasan ang aming inaasahang kabuuan na US$40,000. Tumaas din ang bilang ng ang aming mga miyembro sa 4,786. Naging posible ang mga ito dahil sa kabutihang-loob ng 6,700 na tao na nagkaloob ng donasyon mula sa 77 na bansa sa buong mundo. Patuloy kaming lubos na nagpapasalamat sa aming pandaigdigang komunidad. Maraming salamat! Ang inyong suporta ang nagpapahintulot sa aming patuloy na pagseserbisyo sa aming layunin: upang mas mapalawak ang interes ng mga tagahangang aming kinakatawan sa pamamagitan ng pagbibigay akses sa at pagpapanatili ng kasaysayan ng mga hangang-katha at kultura ng tagahanga sa lahat ng anyo nito.

Nais rin naming pasalamatan ang mga boluntaryong nagbigay ng serbisyo upang mapatakbo nang maayos ang kampanyang ito, at ang lahat ng tagagamit na nagpaskil, nag-tweet, at nagsalita tungkol sa kampanya sa kanilang mga kaibigan at kakilala. Hindi matatawaran ang inyong tulong upang makamit namin ang aming mga layunin. Pinahahalagahan namin kayo nang labis!

At panghuli, kung hindi ka pa nagkakaroon ng pagkakataong gumawa ng kontribusyon, huwag mag-alala! Tumatanggap kami ng donasyon buong taon. Tatagal ang pagiging kaanib sa OTW, na siyang iginagawad para sa mga nagkaloob ng US$10 na donasyon at higit pa, ng isang buong taon mula sa araw ng pinakahuling US$10 na donasyon; kaya magiging karapat-dapat na bumoto ang sinumang magbibigay ng donasyon ngayon sa halalan para sa Lupon ng mga Tagapangasiwa ng OTW sa susunod na taon. Patuloy pa ring makukuha ang mga inihahandog naming regalo ng pasasalamat para sa mga donasyong nagkakahalaga ng US$40 o higit pa. Walang pinipiling panahon ang pagbibigay!

Event

Comments are closed.