
Itinatag ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ng mga tagahanganga para sa mga tagahanga noong 2007, na may layuning pagsilbihan ang fandom sa pamamagitan ng pagpapanatili at paghihikayat sa mga tagahanga sa paglikha ng mga ibahing katha. Makalipas ang labing-apat na taon, nananatili kaming tapat sa aming pangako. Sa pamamagitan man ng ligal na adbokasiya laban sa mga hindi makatarungang batas na hindi pumapabor sa mga tagahanga saan mang panig ng mundo, pagliligtas ng mga nanganganib na hangang-katha, pagtatala ng kasaysayan ng mga tagahanga, pagbibigay ng espasyo para sa mga pang-iskolar na pag-aaral ng mga tagahanga, o pangangalaga ng iyong mga luma at bagong hangang-katha, ginagawa ng OTW ang lahat upang maprotektahan ang mga tagahanga at ang mga ibahing katha na kanilang nilikha.
Subalit, hindi namin ito magagawa nang wala ang iyong tulong. Tulad ng aming laging ginagawa tuwing Abril at Oktubre, sa susunod na tatlong araw, hinihiling namin na kayo’y sumali sa OTW at magbigay ng donasyon upang suportahan kami. Kung hindi ka makapagbibigay ng donasyon sa ngayon, mangyaring ibahagi ang balita tungkol sa aming kampanya sa mga pangkat ng fandom na iyong kinabibilangan, at mangyaring isaisip na kahit sa anumang paraan mo ipakita ang iyong pagpapahalaga sa OTW, pinahahalagahan namin ang iyong pakikilahok at sigasig.
Upang maipakita namin ang aming pasasalamat sa kabutihang-loob ng aming mga donante, may panibago kaming bagay na idinagdag sa aming hanay ng regalo ng pasasalamat. Maaari mong makuha ang set ng rainbow kudos sticker kapag nagbigay ka ng donasyon na US$40 o higit pa. Oo, maaari mo nang bigyan ng pugay ang iyong mga kaibigan, mga alaga, at mga kagamitan sa bahay!
Mangyaring tandaan, kung hindi ka makapagbibigay ng donasyon sa antas na ito ngunit nais mo itong kunin o ang ibang regalo ng pasasalamat, maaari mo itong magawa sa pamamagitan nang palagiang pagbibigay ng kaunting donasyon mula sa aming pahina ng paulit-ulit na donasyon. Makipag-ugnayan lamang sa aming Komite ng Pagsulong at Kaaniban kapag naitakda mo na ang iyong paulit-ulit na donasyon at ipagbigay-alam sa kanila kung aling regalo ang nais mong pag-ipunan. Sisimulan nilang bilangin ang kabuuan ng iyong donasyon patungo sa pinili mong regalo ng pasasalamat.
Para sa mga donasyon na nagkakahalagang US$10 o pataas, magkakaroon ng karapatan ang donante na maging miyembro ng OTW. Makakatanggap ang mga miyembro ng isang katangi-tanging digital icon na iyong magagamit sa iyong account sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) o sa social media. Higit sa lahat, magkakaroon ka ng kapangyarihang bumoto sa taunang eleksyon ng OTW para sa Lupon ng Pangangasiwa. Alamin ang higit pang mga detalye tungkol sa pagiging miyembro at sa botohan dito.
Para sa mga taga-suporta ng OTW mula sa Estados Unidos, isang madaling paraan ang pagtutugma ng donasyon ng employer upang pataasin ang halaga ng iyong donasyon. Maraming employer ang magbibigay ng katumbas na donasyon para sa mga kawanggawang sinusuportahan ng kanilang mga empleyado: bakit hindi mo subukang kausapin ang iyong employer kung inaalok nila ito?
Hindi mahalaga kung nandiyan ka palagi sa bawat kampanya mula sa pagsisimula nito, o kung ito ang iyong pinakaunang kampanya, labis kaming nagpapasalamat sa iyong suporta at pakikilahok. Magtulungan tayo upang gawing matagumpay ang kampanyang ito: at kung kaya mo, magbigay ng donasyon ngayon!
Isang di pang-kalakal na organisasyon ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Batasang Pagtataguyod. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa OTW, maaaring tumungo sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.