
Ngayong tapos na ang kampanya para sa pagiging miyembro ngayong Abril para sa OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha), nais naming pasalamatan ang lahat ng nakilahok dito. Hindi kami makapaniwala at labis na natutuwa na ipaalam sa iyo na nakalikom kami ng 264,918.85USD mula sa 9,110 donante sa 84 na bansa, lagpas sa aming inaasahang halaga na US$50,000. Nadagdagan din ang aming mga miyembro ng 16,842. Pambihira ka: salamat!
Nais naming ipaabot ang aming taos-pusong pasasalamat sa mga miyembro ng OTW. Sa kampanyang ito, mayroong 4,348 donante na piniling maging miyembro ng OTW. Maraming salamat sa inyong mga donasyon taun-taon. Kung hindi dahil sa inyo, hindi namin magagawang pondohan ang aming mga proyekto: kayo talaga ang tunay na sandigan ng OTW. Upang ipakita ang aming pagpapahalaga, mayroon na kami ngayong programa ng gantimpala para sa mga miyembro. Pagkatapos ng tatlo, lima, at sampung taong pagka-miyembro sa OTW, magkakaroon ng karapatan ang mga miyembro na makatanggap ng mga ekslusibong regalo! At syempre, makaboboto ang aming mga miyembro para sa Lupon ng Pangangasiwa. Higit pang mga balita ukol sa aming nalalapit na halalan ang ipapahayag sa lalong madaling panahon.
Hindi magiging posible ang kampanyang ito ng wala ang lahat ng aming mga boluntaryo, na nagsumikap siguraduhing maayos na tumatakbo ang lahat. Maraming salamat sa inyong tulong! Nais din naming ipaabot ang aming pasasalamat sa lahat ng nagpalaganap, nag-tweet, o nagpaskil tungkol sa kampanya. Malaki ang naitulong ng inyong suporta. Maraming, maraming salamat po!
At panghuli: tapos na ang kampanyang ito, ngunit maaari ka pa ring magbigay ng donasyon at sumali sa OTW buong taon. Mayroon ka pa hanggang ika-30 ng Hunyo, 2021 upang maging miyembro, tamang-tama lamang upang makaboto ka sa aming susunod na halalan sa Agosto!
Isang di pang-kalakal na organisasyon ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Batasang Pagtataguyod. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa OTW, maaaring tumungo sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.