Ipinagdiriwang ng AO3 ang Pagkakaroon ng 25,000 na Fandom!

Masayang ibinabalita ng mga Tag Wrangler na nakamit na natin ang milyahe ng pagkakaroon ng 25,000 na fandom sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan)! Ito ay matapos lamang natin maabot ang 3 milyong hangang-katha noong Abril at 1 milyong tagagamit noong Oktubre.

Dati nang lubusang malikhain ang mga tagagamit ng AO3. Sa mga nakalipas na taon ay marami na tayong nakamit na milyahe sa fandom, gaya ng sumusunod:

  • 5,000 na fandom noong Araw ng Bagong Taon, 2010
  • 10,000 na fandom noong Setyembre, 2012
  • 15,000 na fandom noong Abril, 2014
  • 20,000 na fandom noong Disyembre, 2015

Mayroon ka bang natuklasang mga di-gaanong kilalang fandom sa AO3?

Pagbabahagi ng 25,000 Fandom sa 1 Milyong Tao

Sa dami ng mga bagong fandom, hangang-katha, at tagagamit na sumasali araw-araw, ito na ang tamang panahon para ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng paglagong ito para sa mga tagagamit at sa mga Tag Wrangler.

Pampubliko ang mga tag sa AO3. Kung pareho ka ng ginamit na tag sa ginamit na tag ng iba, iisang salaan ang pupuntahan ng inyong mga katha. Hindi kayang ipaghiwalay ng mga Tag Wrangler ang mga kathang nasa ilalim ng eksaktong magkatulad na tag. Ang kaya lang naming i-wrangle ay ang mga tag, hindi ang mga katha.

Kung napansin mong lumilitaw ang iyong katha sa ibang salaan (o tag) na hindi mo sinadya, maaari mong ayusin ang tag sa iyong katha at linawin ito. Halimbawa, si Penny Parker ay isang karakter mula sa teleseryeng MacGyver. Ang “Penny Parker” ay isa ring karaniwang pangalan na ginagamit ng mga tagahanga para sa babaeng Peter Parker, na mas kilala bilang Spider-Man.

Kung ginamit mo ang tag na “Penny Parker” sa iyong katha, mapupunta ito sa salaan para sa karakter mula sa MacGyver, kahit na ang iniisip mo ay ang babaeng Peter. Para maiwasan ito, maaari mong gawin ang tag na “Penny Parker (girl!Peter)” o anumang katulad nito, para maisama ito ng mga Tag Wrangler sa tag filter ni Peter Parker.

(Siyempre, hindi pwedeng pagsamahin ng mga Tag Wrangler ang tag na “Penny Parker” sa tag ni Peter. Kung ginawa namin iyon, lahat ng mga katha para sa “Penny Parker” ng MacGyver ay lilitaw sa salaan para kay Peter Parker, at mawawalan din siya ng sarili niyang salaan. Magdudulot ito ng problema para sa mga tagahanga ng dalawang tauhan na ito!)

Kung bago ang isang tag sa iyo, makatutulong siguro kung suriin mo muna ang salaan nito bago ito gamitin. Baka malaman mo na iba ang kahulugan ng tag na iyon sa ibang fandom.

Paano Pakinabangan ang mga Tag

Ngayong taon, noong buwan ng Abril, halos 497,000 tags ang kabuuang ini-wrangle ng mga Tag Wrangler. Noong Mayo, umabot na ito sa higit sa kalahating milyon! Masipag na nagtatrabaho ang mga Tag Wrangler upang pag-ugnayin ang inyong mga tag; maaari mong padaliin ang aming trabaho sa pamamagitan ng pagiging malinaw tungkol sa ibig ninyong sabihin.

Narito ang ilang suhestiyon na pwede ninyong subukan upang lumitaw ang inyong mga katha o palatandaan sa ninanais na salaan. (Nakikiusap kaming huwag mag-iwan ng mga komento sa mga katha ng ibang tagagamit para bilinan sila na gawin ito – ito ay para lamang sa sarili niyong mga katha/palatandaan!)

  • Kaibigan niyo ang Autocomplete: Subukang gamitin ang fandom tag na kasalukuyang nasa autocomplete. Ang mga tag na nakikita ng mga Tag Wrangler ay ang mga nakalista sa katha, at base ang mga ito sa mga fandom na maaaring maging salaa. Napabibilis ang pag-wrangle at ang paglitaw ng tamang tag kung gagamitin ang fandom tag na nakalagay na sa autocomplete.
  • Paggawa ng bagong fandom: Kung wala pang fandom tag para sa iyong katha, subukan niyong isama sa tag ang anyo, manlilikha, o taon kung kailan unang inilathala ang pamantayan (o canon) para sa tag na iyon. Napabibilis nito ang proseso ng paggawa ng bagong fandom tag, dahil nagsisilbi itong karagdagang impormasyon para masaliksik namin ang pamantayang iyon! Para sa mga libro, mahalagang banggitin ang pangalan ng may-akda; para sa mga pelikula, mahalaga ang taon. Para sa iba pang mga fandom, karaniwang sapat na ang anyo o uri ng medya, maliban na lang kung karaniwan ang pamagat. Halimbawa, kung magpapaskil ka para sa teleseryeng “Merlí”, subukang dagdagan ng “TV” ang dulo ng pamagat, tulad nito: Merlí (TV).
  • Maging maunawain sa mga tagahanga ng RPF: Iwasang paghaluin ang mga fandom tag para sa Actor RPF, kathang-isip o piksyonal na telebisyon, at pelikula. Kung magpapaskil ka ng katha na pang-Actor RPF, gamitin lamang ang mga fandom tag para sa RPF. Kung wala pang RPF fandom tag para sa teleserye o pelikulang iyon, gumawa ng bago sa pamamagitan ng pagdagdag ng “RPF” sa dulo ng kasulukuyang tag ng teleserye o pelikula. Halimbawa: The Hunger Games (Movies) RPF. Nakikiusap kaming iwasan ang paggamit ng mga fandom tag ng Actor RPF kung mga piksyonal na karakter lamang ang ginamit sa iyong katha. Mapabibilis nito ang paghahanap ng mga katha ng mga tagahanga ng RPF. Mas madadalian din ang mga Tag Wrangler na ilagay sa tamang lugar sa inyong mga tag.
  • Saan napupunta ang mga orihinal na katha? Kung magpapaskil ka ng orihinal na katha na mayroong sariling tagpuan at mga tauhan, subukang gamitin ang “Original Work” na tag. (Para sa mga tagahanga ng Furry, maaari niyong gamitin ang tag na ito, o ang “Furry – Fandom” na tag.) Iwasan ang direktang paglagay ng link papunta sa PayPal, Patreon, o sa iba pang komersyal na website, dahil hindi pang-komersyal ang website ng AO3. (Para sa karagdagang impormasyon, maaaring konsultahin ang Palatuntunan ng Aming Serbisyo.)
  • Gawing tiyak ang iyong mga tauhan: Subukang gamitin ang buong pangalan ng mga tauhan. Kung iisa lang ang pangalan ng karakter, ilagay ang pangalan ng fandom sa loob ng saknong sa dulo nito. Halimbawa: Undyne (Undertale). Sinisigurado nito na klaro ang pangalan at mas madaling mahahanap ang iyong katha. Maaaring tingin mo ay mababa ang posibilidad na mayroong Undyne sa ibang fandom, pero kadalasang nangyayari ito.
  • Ihiwalay ang iyong mga / at & na ship: Ang / ay para sa mga romantiko at/o sekswal na relasyon. Ang & ay para lamang sa mga platonikong relasyon – mga relasyong hindi sekswal o romantiko. (Ang mga relasyong Pre- at Post- ay nasa ilalim pa rin ng /.) Ang & ay nilikha para sa mga tagahanga ng Gen na ayaw sa hindi platonikong relasyon para sa mga hinahanap nilang ship. Matutulungan mo ang mga tagahanga ng Gen at ang mga shipper sa pamamagitan ng maingat na paggamit sa tag na angkop sa iyong katha!
  • Ilagay ang mga cameo sa Additional (Karagdagan) na Tags: Kung babanggitin lamang ang isang fandom, tauhan, o relasyon sa iyong katha, maaaring ilagay na lamang ito sa ilalim ng kategoryang “Additional Tags” (Freeforms). Sinisigurado nito na hindi mawawala ang iyong katha sa tamang salaan, habang pinapaalam pa rin sa mga tagagamit kung ano ang nilalaman nito.
    Halimbawa: Sinisigurado ng paglagay ng Hints of Jin Dong/Wang Kai sa “Additional Tags” na hindi mabibigo ang mga tagahanga ng Jin Dong/Wang Kai kung sandalian lamang babanggitin ang kanilang relasyon.

Layunin ng mga mungkahing ito na gawing mas mabilis at mas eksakto ang pag-wrangle ng mga tag para mapadali ang paggamit ng mga tagahanga sa AO3. Hindi mo kailangang i-edit ang iyong mga tag sa mga lumang katha o palatandaan, maliban na lang kung hindi lumilitaw ang mga ito sa mga ninanais mong salaan.

Gayunpaman, hindi ibig sabihin na hindi na kayo pwedeng maging malikhain sa pagta-tag tungkol sa iba’t-ibang paksa! Gustong-gusto ng mga Tag Wrangler ang mga matalino o malikhaing tag. Minsan nga ay ginagawa naming canon ang mga konseptong ito. Ang tag na Magneto’s Terrible Fashion Sense ay isa lamang sa mga nakakatuwang tag na nagpapatawa sa amin.

Kung mayroon kang mga katanungan o suhestiyon tungkol sa wrangling, maaaring kumonsulta sa Tags FAQ. Kung hindi nito masasagot ang iyong katanungan, ipinapaliwanag ng FAQ na ito kung paano direktang makipag-ugnayan sa mga Tag Wrangler. Pwede ka ring magpadala sa amin ng maiikling tanong sa aming Twitter account, ao3_wranglers.

Nakikiusap kaming huwag mag-iwan ng mga komento o katanungan tungkol sa mga tiyak na tag sa balitang ito. Hindi namin ito masasagot, dahil hindi kayang subaybayan ng mga Tag Wrangler ang mga kahilingan dito. Maaaring gamitin ang mga ibinanggit na paraan ng pakikipag-ugnayan sa itaas. Maraming Salamat!

Ang balitang ito ay isinalin ng mga boluntaryong tagasalin ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa aming gawain, maaring tumungo sa pahina para sa Pagsasalin sa transformativeworks.org.

Archive of Our Own

Comments are closed.