International Fanworks Day Feedback Fest 2023

Maligayang pagdating sa International Fanworks Day Feedback Fest ng 2023!

Kasalukuyang may higit sa 200,000 na katha sa Archive Of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) at may di mabilang na pagkakataon upang maging malikhain sa ating mga paboritong tauhan at tagpo, ang Crossovers at Fandom Fusions ay isa sa pinakasikat na tropes sa AO3. Ibinahagi namin noong Enero na ang tema ng International Fanworks Day ngayong taon ay When Fandoms Collide, at inanyayahan namin kayong maglista ng mga kathang inyong iminumungkahi mula sa inyong mga paboritong crossover at fandom fusion. Ngayon, nasasabik kaming makita ang inyong mga nagawa!

Para makasali, mag-iwan ng komento sa ibaba na nagsasabi kung ano ang iyong nagustuhan sa inyong mga iminungkahing crossover at fandom fusion. Ikaw ba ay bumilib sa kanilang pagiging orihinal? Ipinakilala ba nila sa iyo ang mga bago at malikhaing crossover ship? O tinuruan ka ba nilang makita ang iyong mga paboritong tauhan sa bagong anggulo?

Huwag kalimutang isama ang mga kawing ng iyong mga mungkahi sa komento! Kung nais mo, maaari mo ring i-kawing ang paskil ng iyong mga mungkahi mula sa social media at nilagyan ng tag na #IFD2023 or #IFDChallenge2023.

Siyempre, hindi lang tungkol sa pagdiriwang ng hangang-katha ang International Fanworks Day: tungkol din ito sa pagbibigay pugay sa kanilang mga manlilikha! Kung nais mong ipakita ang iyong pagpapahalaga sa kanila, maaari kang mag-iwan ng kudos, palatandaan, o komento sa mga kathang iyong ibabahagi—o sa kahit anong bagong paboritong matutuklasan mo mula sa mungkahi ng iba.

Maligayang pagmumungkahi!


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Event

Comments are closed.