Sinusuportahan ba ng OTW ang komersyalisasyon ng fanfic?

Ang pangunahing layunin ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay ipagtanggol ang mga tagahangang manlilikha na lumilikha mula sa puso at libreng ibinabahagi ang kanilang mga katha sa loob ng ekonomiya ng mga tagahanga na umuunlad dahil sa mga gawaing ito. Hinahangad ng mga tagahangang ito na maging bahagi ng isang komunidad at makipag-ugnayan sa iba pang mga tagahanga, upang ipagdiwang at tumugon sa mga gawaing medya na kanilang kinagigiliwan.

Ang mga tagahangang ito ay lumilikha ng mga masaya at masiglang komunidad base sa kathang kinagigiliwan nila. Sila ay kadalasa’y gumagastos ng malaking halaga upang makabili ng opisyal na paninda ng katha o serye, at hinihikayat din nila ang iba na bumili ng mga ito. Hindi sila nakikipag-kumpitensya sa gawa ng orihinal na manlilikha, kundi tumutulong sa pagpapalaganap nito.

Habang may ilang ibahing katha na lehitimong ibinebenta sa merkado — halimbawa, mga parodya tulad ng The Wind Done Gone (isang paghahango ng Gone with the Wind mula sa pananaw ng isang alipin), mga kritikal na pagpupuna na maraming isinipi mula sa orihinal na teksto, mga “unauthorized guide” (mga patnubay na likha ng mga tagahanga), atbp — hindi iyon ang karaniwang gawain o layunin ng mga manunulat ng fanfic o ng mga tagahangang manlilikha. Nais lang naming magkatuwaan sa aming libangan at sa aming mga komunidad. Gusto rin naming ibahagi ang aming mga malikhaing katha nang hindi laging nag-aalala na mayroong mapusok na abogado o korporasyon na bigla na lamang magpapadala ng mga babala, at umaasang sila’y magtatagumpay sa kaso dahil sa kanilang salapi at hindi dahil sa mga ligal na pamantayan.