Kadalasang Katanungan

Archive of Our Own (Ating Sariling Sisidlan)

Bakit kailangan ng isa pang artsibo?

Ang aming unang layunin ay lumikha ng software package na bago, libre, at malayang magagamit, upang ang mga tagahanga ay makapangalaga ng kanilang sariling mga artsibo na ganap at matibay, na kayang sumuporta ng kahit ilang daang-libong kuwento, at mayroong kapasidad para sa mga social network, upang ang mga tagahanga ay makapag-ugnayan sa isa’t isa sa pamamagitan ng kanilang likha.

Ang aming ikalawang layunin ay gamitin ang software na ito upang makapagbigay ng sentral na tagapangalagang espasyo na di-pangkalakal at di-kumikinabang para sa mga fanfic at iba pang ibahing katha, kung saan ito ay nakasilong sa ilalim ng pagtataguyod ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha), at kung saan maaring samantalahin ang trabaho ng OTW na itaguyod ang legalidad at halagang-panlipunan ng mga kathang ito. Hindi katulad ng ibang artsibo, ang Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay hindi pinapatakbo ng mga indibiduwal na ang interes sa fandom ay pabago-bago, kundi ng isang di-kumikinabang na organisasyon na pinamamahalaan ng isang inihilal at nagbabagong lupon ng mga nakatalagang tagahanga. Inaasahan naming ito’y makadudulot sa kapamalagian at katatagan kumpara sa ibang artsibo o serbisyo.

Sino ang kumikita mula sa AO3? Kailangan bang magbayad ng mga gumagamit?

Walang sinuman, kabilang ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) bilang isang organisasyon, ay kumikita mula sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) o mula sa mga nilalaman nito; sa katunayan, ang kabaligtaran nito ang totoo dahil ang OTW ang nagbabayad upang pangalagaan ang AO3. Wala kaming ipinapakitang patalastas. Sa halip, kami ay gumagawa ng mga pampubliko at mala-radyong kampanya upang humingi ng suporta mula sa mga tagagamit. Kailanman ay walang donasyon na ipipilit sa mga tagagamit ng AO3 o sa mga kaakibat na kagamitan nito.

Bakit ang tagal gawin ng software ng artsibo?

Hindi simple ang proseso ng pagbuo sa isang artsibo na tulad ng hinahangad ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha). Hindi kami nagtataguyod ng isang artsibo gamit ang software na mayroon na, kundi kami ay gumagawa ng bago at malayang-magagamit na software na pang-artsibo na idinisenyo ayon sa mga pangangailangan ng mga tagahanga, upang ito ay madaling panatilihin at gamitin muli, na kaya ring pangalagaan ang posibleng milyun-milyong kuwento mula sa ilang daang-libong mga sabay-sabay na tagagamit.

Ang trabahong ito ay ginagawa ng isang grupo ng mga boluntaryo, kabilang ang grupo ng mga boluntaryong baguhang natututong magsulat at magpanatili ng code, upang makatulong sa pagbuo ng komunidad ng coders mula sa mga tagahanga. Ito ay grupo ng mga tao na makatutulong sa pagpapanatili ng software na pang-artsibo sa hinaharap. Sa ibang salita, kami ay hindi lamang nagtataguyod ng software na pang-artsibo, kundi pati na rin ng mga taong patuloy na gagawa nito.

Kami ay naglaan din ng panahon upang bumuo ng mga patakarang komprehensibo at angkop sa mga tagahanga na umaayon sa payo ng maraming kapwa-tagahanga; maaaring makita ang naging resulta sa aming Mga Palatuntunan sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan).

May katagalan ang pagtaguyod ng mga ito, ngunit lubos din kaming naniniwalang magiging sulit naman ang kalalabasan. Maaaring sundan ang pagtutuloy ng paggawa sa aming mga blog at newsletter para sa AO3. Upang makasali, magsabi lamang sa mga Boluntaryo at Pangangalap.

Sinusubukan bang palitan ng OTW ang lahat ng ibang artsibo?

Hindi. Sa katunayan, nais naming gamitin ng iba pang mga tagahanga ang aming software na pang-artsibo, na magiging malayang gamitin at baguhin, para makalikha sila ng sarili nilang mga artsibo.

Sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), nais naming lumikha ng artsibong multi-fandom na may mahusay na kapasidad at mga patakarang pwedeng ayusin at ilapat, na tatagal at angkop para sa mga tagahanga. Nais naming maging depositong-aklatan ng mga fandom, isang espasyo kung saan maaaring i-back up ng mga tao ang kanilang mga katha o proyekto, na may pirmihang mga kawing. Hindi namin nais maging eksklusibong espasyo kung saan dito lamang ipapaskil ng mga tao ang kanilang mga gawa. Hindi ito dito lang/sa iba, kundi mas maraming paglalagyan, mas masaya!

Paano makakakuha ng account sa AO3?

Ang Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay naging open beta noong Nobyembre 2009. Para gumawa ng account, kailangan mo ng paanyaya. Kami ay gumagamit ng sistema ng mga bilyete ng paanyaya upang lumaki ang AO3 sa isang kontroladong paraan. Kailangang unti-unting magdagdag ng mga bagong tagagamit upang hindi lumobo ang dami ng ating mga account nang higit sa kakayahan ng aming hardware, bandwidth, tulong at suporta. Nakatutulong ito sa amin na tiyaking lahat ng gumagamit ng AO3 ay makakukuha ng pinakamaginhawang karanasan. Kapag natanggap mo na ang email ng paanyaya, magtungo sa kawing na nakasulat sa email upang makapunta sa pahina upang lumikha ng account. Kung ikaw ay binigyan ng kawang ng paanyaya isang dati nang tagagamit, mapupuntahan mo ang tamang pahina sa pagsunod sa kawing na iyon.

Ako ay nagpapatakbo ng artsibo na nais kong ilipat/i-back up sa AO3. Ano ang dapat kong gawin?

Makipag-ugnayan lamang sa Open Doors para ma-access ang iyong importer tool. Huwag mag-atubiling ipaalam sa amin agad kung mayroon kang mga espesyal na pangangailangan — halimbawa, kung nais mong kami ang pumalit sa pagpapanatili ng iyong lumang domain, o kung ang iyong artsibo ay naglalaman ng mga kathang multimedia.

Fanlore

Ano ang Fanlore?

Ang Fanlore ay isang wiki — isang website na maraming mga may-akda — kung saan maaaring mag-ambag ang kahit sinong tagahanga. Ang aming kasalukuyang layunin ay itala ang makasaysayan at kasalukuyang kalagayan ng mga komunidad ng mga tagahanga — mga hangang-katha, hangang-aktibidad, terminolohiya ng mga tagahanga, indibiduwal na tagahanga, at mga pangyayaring fannish. Para sa karagdagang impormasyon, maanong tumungo sa website ng Fanlore at sa Fanlore FAQ (mga palagiang katanungan).

Ano ang saklaw ng wiki ng Fanlore?

Kasama sa saklaw ng Fanlore ang samu’t-saring mga fandom at iibahing hangang-katha. Hangad naming itampok ang mga kontribusyon mula sa malawak na hanay ng mga tagahanga habang ibinabahagi nila ang kanilang mga karanasan ukol sa kasaysayan ng kani-kanilang mga fannish na komunidad.

Ano ang gagawin ko kung sa tingin ko’y may mga artikulo o impormasyong kulang?

Lahat ng mga tagahanga at interesadong tao ay inaanyayahang mag-ambag sa Fanlore sa pamamagitan ng paggawa ng mga artikulo o pagdaragdag ng impormasyon sa mga pahinang naroroon na. Alinmang pag-aambag na gagawin mo para sa pangangalaga ng kasaysayang fannish ay katanggap-tanggap.

Nais kong baguhin ang isang pahina sa Fanlore, pero hindi ko alam kung paano. Tulong!

Kami ay nasasabik na tumanggap ng bagong mga tagapatnugot sa Fanlore, at marami kaming mga kasangapan makakatulong sa iyong magsimula. Simulan sa aming mga Tip para sa Pagbabasa ng Fanloreat sa Panimulang Panuntunan sa Pamamatnugot, at siguraduhin pasadahan ang aming mas delyadong pahina ukol rito. Nanaisin mo ring aralin ang aming mga patakaran.

Kapag nagsimula ka nang mamatnugot, ang Cheatsheet para sa Pamamatnugot ng Fanlore ay isang di-matatawarang rekurso – gayon din itong listahan ng mga template na palaging ginagamit sa wiki. Kung kinakailangan mo ng karagdagang tulog, maaari kang makipag-ugnayan sa aming mga hardinero para sa tulong tungkol sa pamamatnugot, alinmang oras. Ang mga Maiikli at/o Pambungad na pahina ay malugod rin naming tinatanggap!

Pag-uugnayin ba ninyo ang mga tagahangang identidad at mga tunay na identidad ng mga tao sa wiki ng Fanlore?

Hindi. Ang Fanlore ay mayroong patakaran ukol sa pagkakalinga ng mga pagkakakilanlan na sinisiguradong magkahiwalay ang mga sagisag-panulat na kaugnay sa kanilang pagiging tagahanga mula sa kanilang mga tunay na pangalan, kung gugustuhin nila. Dagdag pa rito, ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay nakatuon sa pangangalaga sa pagkapribado ng mga tagahanga, sila man ay tagagamit ng aming mga serbisyo o hindi. Kung ang isang pagbabago ay ginawa sa wiki na inuugnay ang iyong pagkakakilanlan sa tunay na buhay sa iyong fannish na pagkakakilanlan ng walang iyong pahintulot, maanong makipag-ugnayan sa Fanlore at makikipagtulungan sa iyong resolbahin ang isyung ito.

Bakit ang wiki ay sa wikang Ingles lamang? Maaari ba akong mag-ambag ng mga pagbabago sa ibang wika?

Pandaigdigan ang fandom, at tumatanggap kami ng mga ambag mula sa mga tagahanga mula sa iba’t ibang panig ng mundo. At sa panahong ito, ang Fanlore ay isang rekursong nasa wikang Ingles, bagama’t ang mga tagapatnugot ay sadyang inaanyayahang itala ang mga fandom, hangang-katha at mga komunidad na fannish na maaaring orihinal na naganap sa mga wikang hindi Ingles. Kung nais mo ng payo o tulong sa aspeto ng pagtatala ng mga fandom na hindi wikang Ingles, o kung intereesado ka sa pakikipagtulungan sa Fanlore na mapabuti ang internasyunal na saklaw ng wiki, maanong makipag-ugnayan sa amin.

Pananalapi

Sino ang nakikinabang sa pagbubuo ng OTW?

Kung pera ang pag-uusapan, walang nakikinabang; isang di-pangkalakal na organisasyon ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha), kaya bumabalik ang lahat ng kita na pumapasok sa organisasyon sa pananalapi ng organisasyon upang itaguyod ang gawain ng organisasyon. Sa kasalukuyan, walang kawaning binabayaran ang OTW at sa halip, pinapatakbo ito ng mga boluntaryo. Sumasang-ayon ang aming opisyal na patakaran ukol sa alitan ng interes sa inirekomenda ng IRS ng Estados Unidos para sa mga organisasyong di-pangkalakal.

Saan inkorporada ang OTW?

Inkorporada ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) sa estado ng Delaware sa Estados Unidos.

Bakit kailangan ng OTW ng salapi, at saan ito gagamitin?

Gumagamit ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ng pananalapi upang bumili ng mga kasangkapan at serbisyong hindi maaaring ibigay ng mga boluntaryo nito, tulad ng mga gastos sa pagpapatakbo at ibang mga gastos sa pangangasiwa. Kasama sa mga gastos sa pagpapatakbo ang pamimili ng software at server space upang likhain at panatilihin ang sinupan. Kasama sa gugol sa pangangasiwa ang iba’t ibang bagay na karaniwan sa isang organisasyong di-pangkalakal, tulad ng pagsisiguro, kabayaran sa pagpapalakad ng kabayaran, at buwanang singil sa account sa bangko. Habang lumalaki ang organisasyon, may karagdagang pangangailangan sa pangangasiwa at pamamahalang piskal, kasama na ang serbisyo ng independyenteng kontraktor, tagahanda ng buwis, at tagasuri.

Sino ang nagpapasya kung saan gagastusin ng OTW ang salapi nito?

Ang Lupon ang may pananagutan para sa ganitong mga pagpapasya, bilang bahagi ng kanilang tungkulin bilang mga katiwala. May pananagutan ang ingat-yaman ng Lupon sa paglilikha at pagsasagawa ng badyet ng OTW. Ngunit, kailangang bumoto ang Lupon upang pagtibayin ang badyet, kasama na ang ibang mga gastusing hindi pinagplanuhan. Para sa mga gastusing maliliit, inilalaan ng Lupon ang pananagutan sa mga komite ng OTW upang pagpasyahan kung ano ang mga kinakailangang gamit at serbisyo.

Paano ako magbibigay sa OTW? Maaari ba akong magbigay kung hindi ako nakatira sa Estados Unidos?

Kayang tumanggap ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ng mga donasyon kahit saan man sa mundo sa pamamagitan ng online na pagbibigay o sa tsekeng kinokoreo sa aming kaha sa opisina ng koreo. Magtungo sa Suportahan ang OTW para sa karagdagang detalye.

Hindi ibinubunyag sa OTW ng ginagamit naming taga-proseso ng kabayaran ang mga detalye patungkol sa mga credit card o mga numero ng bank account. Sadyang nakalagay man sa mga personal na tsekeng tatanggapin namin sa koreo ang mga impormasyon ng account, hindi namin itinatala ang mga ito.

Maaari bang iawas sa buwis ang mga donasayon sa OTW?

Oo, sa Estados Unidos. Pinahintulutan ng IRS ng Estados Unidos ang katayuan ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) na hindi ito saklaw sa buwis at hindi pangkalakal. Isa sa mga pakinabang ng aming pagiging di-pangkalakal ang kakayahang iawas sa buwis ang kahit anong donasyong iyong ibigay sa organisasyon, kasama na ang US$10 na kabayaran upang maging miyembro ng OTW. Dagdag dito, maaaring iawas sa buwis ang iyong mga nakalipas na donasyon magmula sa petsa ng pagpapatala namin bilang isang inkorporasyon: ika-5 ng Setyembre, 2007.

Pakitandaan lamang na sa labas ng Estados Unidos, maaaring iawas sa buwis o hindi ang iyong donasyon. Sumangguni sa isang tagapayo ukol sa buwis upang malaman kung sapat ang isang regalo sa isang organisasyong US 501(c)(3) upang magkaroon ng awas sa buwis ayon sa iyong lokal na batas.

Paano pinangangalagaan ng OTW ang datos na nakakalap nito sa mga indibidwal na nagbibigay ng donasyon?

May mga tiyak na impormasyong kailangang hingin ng OTW (tulad ng pangalan, tirahan, atbp.) sa mga donante upang sumunod sa mga alituntunin ng IRS. Dahil karaniwang gumagamit ng sagisag-panulat ang mga tagahanga sa kanilang fannish na buhay, babantayan ang impormasyong ito ng OTW at makikita lamang ng ingat-yaman ng OTW at mga miyembro ng komite ng Pagsulong at Kaaniban. Upang mapanatili ang iyong pagkadi-kilala, maaring magbigay ng donasyon sa pamamagitan ng salapi.

Anong mga hakbang ang isinasagawa upang pangalagaan ang pamumuhunan ng mga miyembro?

Isang korporasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha), na napapasailalim ng mga batas at alintuntuning nagdidikta sa mga pananagutan ng mga katiwala na mangasiwa ng mga gawain sa kaparaanang magpapatibay sa tiwala ng publiko. Susuriin ang OTW hindi lamang ng mga miyembro nito at mga tagahangang nasa labas ng organisasyon kundi narin ang IRS at ang estado ng Delaware, kung saan inkorporada ang organisasyon.

May mga karagdagang pagpapangalaga na aming itinaguyod. Maaaring tukuying pandaraya ang maling paggamit ng pondo ng OTW at maaaring litisin sa korte. Matibay itong nakakapigil ng mga gayong gawin. Susunod ang pamamahagi ng pondo ng OTW sa mga pangkalahatang prinsipyo ng pagtutuos pagdating sa pangangasiwa at pagpapahintulot ng mga gastusin. Dagdag pa rito, kinakailangang magpasa ang OTW ng Form 990 sa IRS bawat taon upang mag-ulat ng mga gawaing pananalapi ng organisasyon.

Naglalabas din ng taunang ulat ang OTW, kung saan may buod ng mga gawain ng OTW sa nakaraang taon, kasama na ang mga pahayag ukol sa pananalapi. Maaari itong makita bawat taon sa website ng OTW. Isang pampublikong dokumento ang Form 990 ngunit hindi ito ilalagay sa website ng OTW sapagkat nakalakip dito ang personal na impormasyon tungkol sa mga indibidwal na hindi dapat makukuha lamang sa Internet. Maaaring makakuha ng kopya ng taunang ulat at ng Form 990, ayon sa halaga ng pagkopya at selyo sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Ingat-Yaman ng OTW. Mangyaring itala ang “Annual Report/990” (Taunang Ulat/990) sa paksa ng email at magbigay ng tirahang mapaghahatiran ng koreo.

Legal

Ano ang posisyon ng OTW ukol sa pinagkaiba ng pamamalahiyo sa fanfiction?

Mayroong pagkakaiba ang pamamalahiyo (ang walang paalam na paggamit ng mga salita ng ibang tao habang inaangkin ito bilang sariling gawa), ang fan fiction (ang malinaw o kumikilalang paghiram ng mga elemento mula sa orihinal kwento upang makasulat ang may-akda ng fan fiction ng sarili niyang kuwento), at ang sipi (ang malinaw o kumikilalang paghiram ng ilang bahagi ng eksaktong salita ng ibang manunulat).

Para sa amin, ang ibig sabihin ng “malinaw” ay, kahit walang ilagay na pagtatatuwa ang
tagahangang manunulat sa kanyang kuwento, maiintindihan pa rin ng mga mambabasa na hindi niya nilikha si Wonder Woman o si Voldemort, o ang linyang “Use the Force, Luke.”

Mapanloko ang pamamalahiyo at pinipigilan nito ang karapat-dapat na pagtamo ng karangalan ng orihinal na awtor sa kanyang katha. Ang mga fan fiction at sipi ay mahahalagang halimbawa ng mainam o tamang paggamit, kung saan kinikilala ang orihinal na awtor at ang kanyang katha. Ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay hindi sumusuporta sa pamamalahiyo. Ang aming sinusuportahan ay fan fiction at sipi.

Mga Donasyon at Pagkamiyembro

Paano ako makapagbibigay ng donasyon sa OTW?

Upang magbigay ng donasyon, pumunta lamang sa aming form para sa mga donasyon.

Salamat sa iyong pagtangkilik! Kung mayroon kang mga katanungan o isyu sa pagkumpleto ng iyong donasyon, mangyari lamang na makipag-ugnayan sa Komite ng Pagsulong at Kaaniban.

Maaari ba akong makapagbigay ng donasyon gamit ang tseke? Saan ko ito dapat ipadala?

Oo, kung nakatira ka sa Estados Unidos. Sa kasamaang-palad, hindi kami maaaring tumanggap ng mga tseke mula sa labas ng Estados Unidos sa kasalukuyan. Punan lamang ang aming form para sa mga donasyon, piliin ang opsyon na nagsasabing “I will send payment by check” (Ipapadala ko ang bayad gamit ang tseke), at ipadala ang iyong tseke sa:

Organization for Transformative Works, Inc.
228 Park Ave S #18156
New York, New York 10003-150
USA

Maaring abutin ang mga donasyong naka-tseke ng tatlong linggo bago ito mai-deposito. Kung may mga katanungan ka, mangyari lamang na makipag-ugnayan sa Komite ng Pagsulong at Kaaniban.

Maaari ba akong magbigay ng donasyon sa pamamagitan ng salapi o money order?

Oo, kung nagbigay ka ng donasyon gamit ang dolyar ng Estados Unidos, subalit mga salapi o money order na donasyong hindi para sa pagkamiyembro lamang ang tatanggapin. Kung para ito sa pagiging miyembro, kinakailangan namin ng isang account sa bangko o ng isang credit card upang mapatunayan namin na isa kang tunay na tao at isang indibidwal kapag nagsagawa kami ng halalan.

Upang makapagbigay-donasyon, maaaring ipadala ang salapi sa:

Organization for Transformative Works, Inc.
228 Park Ave S #18156
New York, New York 10003-150
USA

Kung may mga katanungan ka ukol dito, mangyari lamang na makipag-ugnayan sa Komite ng Pagsulong at Kaaniban.

Maaari ba akong magbigay ng donasyon sa ibang salapi maliban sa dolyar ng Estados Unidos?

Oo, maaari kang makagawa ng online na donasyon gamit ang aming form para sa mga donasyon. (Mangyari lamang na pakitandaan na, para sa salapi at tseke, hindi kami maaaring tumanggap ng donasyong hindi nasa dolyar ng Estados Unidos). Kapag nagbigay ka ng donasyon gamit ang aming online form, ipatutukoy sa iyo ang halaga ng donasyon sa dolyar ng Estados Unidos; pagkatapos nito, makukumpleto mo na ang iyong pagbayad sa pamamagitan ng credit card o Paypal.

Maaaring makipag-ugnayan sa Komite ng Pagsulong at Kaaniban o sa PayPal support para sa karagdagang tulong.

Maaari bang i-awas sa buwis ang mga donasyon sa OTW? Kung oo, ano ang iyong EIN?

Oo, sa Estados Unidos. Rehistrado ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) bilang isang 501(c)(3) nonprofit organization, at maaaring i-awas sa buwis ang lahat ng donasyong binigay sa amin. Ang aming EIN sa Estados Unidos ay 38-3765024; isasama rin ito sa iyong resibo ng donasyon para sa iyong mga talaan.

Pakitandaan lamang na sa labas ng Estados Unidos, may posibilidad na mai-awas sa buwis o hindi ang iyong donasyon. Sumangguni sa isang tagapayo sa buwis upang malaman kung sapat na ang isang regalo sa isang US 501(c)(3) nonprofit organization upang magkaroon ng pagbabawas sa iyong buwis ayon sa iyong lokal na batas.

Mangyari lamang na makipag-ugnayan sa Komite ng Pagsulong at Kaaniban kung ikaw may karagdagang katanungan ka tungkol dito.

Bakit hinihingi ang aking pangalan at tirahan sa form para sa mga donasyon? Maaari ba akong magbigay ng donasyon nang hindi nagpapakilala?

Para sa mga donasyon para sa pagiging miyembro, kinakailangan naming ikawing ang bawat donasyon sa isang tiyak na indibidwal para sa mga kadahilanang ligal, upang maiwasan ang kaganapan kung saan magbibigay ang isang tao ng donasyon ng maraming beses upang magkaroon ng karapatang magkaroon ng maraming boto. (Basahin ang Bakit kinakailangan ng bayad para sa pagiging miyembro upang mabigyan ang isang tao ng karapatang bumoto sa halalan ng OTW? sa ibabapara sa karagdagang impormasyon.)

Ligtas ang iyong impormasyon sa amin, at may paninindigan kami sa seguridad ng datos. Hindi namin kailanman ikakabit ang iyong pagkakakilanlang legal at fannish. Maaaring basahin ang aming Pampribadong Patakaran para sa karagdagang detalye.

Kung nais mong magbigay ng donasyon nang hindi ibinibigay ang iyong tirahan, maaari kang magbigay ng isang donasyong hindi pang-miyembro sa pamamagitan ng salapi o money order (tumatanggap kami sa dolyar ng Estados Unidos lamang). Maaaring sumangguni sa Maaari ba akong magbigay ng donasyon sa pamamagitan ng salapi o money order? sa itaas.

Mangyaringmakipag-ugnayan sa Komite ng Pagsulong at Kaaniban kung may karagdagang katanungan ka tungkol dito.

Ano ang pagkakaiba ng donasyong pang-miyembro at ng donasyong hindi pang-miyembro?

Sa donasyong pang-miyembro, itinatalaga ka bilang isang miyembro ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha): maaari kang bumoto sa aming taunang halalan para sa Lupon ng Pangangasiwa. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa proseso ng aming halalan, mangyaring bisitahin ang website ng Halalan ng OTW o makipag-ugnayan sa Komite ng Halalan.

Habang ikinalulugod naming makatanggap ng mga donasyong hindi para sa pagkamiyembro, wala itong kasamang karapatang pamboto na maiuugnay sa pagkamiyembro ng OTW.

Bakit kinakailangan ng kabayarang pang-miyembro upang mabigyan ang isang tao ng karapatang bumoto sa halalan ng OTW?

Tulad ng maraming organisasyong di-pangkalakal, gumagamit ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ng kabayarang pang-miyembro bilang isang tapat at madaling siyasating pangangailangan upang masiguro na isang indibiduwal lamang ang bawat miyembro. Kung hindi, maaring makagawa ang isang tao ng maraming account upang magkaroon ng maraming boto sa halalan.

Napupunta rin ang mga kabayarang ito sa pagtangkilik sa OTW—upang mabayaran ang aming mga gastusin sa operasyon para sa organisasyon at sa lahat ng aming proyekto, upang hindi namin kailanganin ang mga patalastas o humingi ng bayad mula sa aming mga tagagamit. Intensyon naming panatilihing mababa ang aming pinakamaliit na donasyon upang masigurong hindi ito magiging hadlang sa pagsali ng sinumang pinahahalagahan ang organisasyon, ngunit amin ding hinihiling na makapagbigay sana ng mas malaking halaga ang karamihan sa mga miyembro kung kakayanin!

Makabibili ba ako ng pagkamiyembro para iregalo sa iba?

Upang masiguro na tunay na tao ang lahat ng miyembrong bumuboto sa OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha), at makapagsagawa ng patas na halalan, hindi namin pinapayagan ang pagreregalo sa pagiging miyembro. Ine-engganyo ang mga taga-tangkilik sa pagbibigay ng donasyon para sa iba gamit ang aming form, ngunit hindi magbibigay ng karapatang bumoto o ng pagkamiyembro ang mga donasyon na ito.

Makapagbibigay ba ang pagiging miyembro sa akin ng imbitasyon para sa AO3?

Hindi. Walang kaugnayan sa isa’t isa ang pagiging miyembro ng OTW (Organisasyon Para sa Ibahing Katha) at ang mga account sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Upang magkaroon ng account sa AO3, mangyari lamang na sumali sa pila para sa paanyaya. Tumutulong ang pagbibigay ng donasyon sa OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) na tuluy-tuloy naming mabayaran ang gastos sa pagpapatakbo ng AO3 kaya aming inaanyayahan ang iyong pagtangkilik, ngunit naninindigan kami sa paghahandog ng AO3 bilang isang libreng serbisyo para sa lahat. Walang koneksyon sa pagitan ng donasyong indibidwal at sa mga account sa AO3.

Kung may katanungan ka ukol sa imbitasyon para sa AO3, maaaring makipag-ugnayan sa Tulong ng AO3.

Maikakabit ba ang aking pagiging miyembro ng OTW sa aking account sa AO3?

Hindi, walang anumang koneksyon ang pagiging miyembro sa OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) sa account sa Archive of Our Own – AO3 (Aming Sariling Sisidlan). Madiing sumusuporta ang OTW sa karapatan ng mga tagahangang paghiwalayin ang kanilang pagkakakilanlang fannish at hindi fannish. Hindi namin kailanpanman ikakabit ang dalawa, at magkaiba ang mga database na naglalaman ng impormasyon tungkol sa pagkamiyembro at impormasyon tungkol sa mga account ng AO3. Naaayon sa aming Pampribadong Patakaran ang aming pag-iimbak at paggamit ng iyong datos.

Hanggang kailan tumatagal ang pagiging miyembro? Paano ko malalaman kung maaari ba akong bumoto?

Tumatagal ang iyong pagiging miyembro ng isang taon mula sa iyong pinakahuling donasyon. Makakaboto ka kung pinili mong maging miyembro ng OTW, at aming natanggap ang iyong donasyon bago ang takdang oras ng pagkamiyembro para sa halalan ng taong iyon, na siyang pinapahayag ng OTW Komite ng Halalan.

Kung hindi ka sigurado kung kailan ang huli mong donasyon, mangyaringmakipag-ugnayan sa Komite ng Pagsulong at Kaaniban. Kung may katanungan ka tungkol sa takdang oras ng pagkamiyembro o sa proseso ng halalan, mangyaringmakipag-ugnayan sa Komite ng Halalan.

Saan napupunta ang aking donasyon? Paano ginagastos ng OTW ang salapi nito?

Sinusuportahan ng iyong donasyon ang mga operasyon at mga proyekto ng OTW (Organisasyon Para sa Ibahing Katha). Isa kaming organisasyon na binubuo ng mga boluntaryo, kaya napupunta ang bulto ng aming gastusin sa pagpapanatili ng aming mga proyekto.

Para sa karagdagang kaalaman ukol sa aming mga kasalukuyang gastusin at sa aming prospektibong badyet, mangyaring bisitahin ang:

Kung may iba ka pang katanungan, mangyaringmakipag-ugnayan sa Komite ng Pagsulong at Kaaniban.

Maaari ba akong magbigay ng donasyon na minarkahan para sa isang tiyak na proyekto o gastusin ng OTW?

Sa kasalukuyan, walang paraan upang markahan ang mga donasyon para sa iisang proyekto o gastusin ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha). Maraming mga gastusin na hindi itinalaga para sa tiyak na proyekto at may kinalaman sa organisasyon sa kabuuuan: halimbawa, ang software na ginagamit ng aming mga boluntaryo upang magdaos ng mga pulong at magplano; ang server na nagho-host ng aming panloob na dokumentasyon at nilalaman ng Archive of Our Own – AO3 (Aming Sariling Sisidlan); at ang firewall na pumuprotekta sa Fanlore, AO3, at sa aming internal storage. Napupunta ang mga donasyon sa pananatili ng lahat ng ito at sa iba pang proyekto ng OTW.

Paano ako makakakuha ng buod ng lahat ng aking donasyon sa piskal na taong ito?
Ano ang regalo ng pasasalamat? Paano ako makakakuha ng isa?

Opsyonal na mga bagay ang mga regalo ng pasasalamat na maaari mong piliing matanggap kung nagbigay ka ng higit pa sa US$40. Kalimitang nagbabago ang listahan ng mga regalong maaaring makuha. Mangyaring bisitahin ang aming form para sa mga donasyon upang malaman ang kasalukuyang pagpipilian.

Gumagawa ako ng umuulit na donasyon. Maaaring ba akong makakuha ng regalo ng pasasalamat kung umabot na ang kabuuan ng aking mga donasyon sa ganoong halaga?

Oo! Mangyari lamang na makipag-ugnayan sa Komite ng Pagsulong at Kaaniban at ipagbigay-alam sa amin kung anong regalo ang gusto mo. Kapag umabot ang donasyon mo sa halagang iyon, ipadadala namin ang regalo sa iyo.

Paano ako makakapagtakda ng isang umuulit na donasyon (magbigay ng US$__ kada __ buwan)? Maaari bang ilaan ang umuulit na donasyon patungo sa pagiging miyembro?

Bisitahin ang aming form para sa Umuulit na Donasyon upang makagawa ng umuulit na donasyon.

Kung iyong pinili ang opsyon para sa pagkamiyembro, maaaring ilaan ang iyong umuulit na donasyon patungo sa pagiging miyembro.

Paano ko makakansela o mababago ang halaga ng umuulit na donasyon na dati kong itinakda, o ang credit card na aking ginamit?

Para kanselahin ang iyong umuulit na donasyon, piliin ang iyong huling kontribusyon sa PayPal at pumunta sa “Manage payments for…” (Pangasiwaan ang kabayaran para sa…) o tumungo sa tab para sa Payments (Kabayaran) sa pahina ng iyong Settings. Hindi maaaring baguhin ang umuulit na donasyon. Kung nais mong baguhin ang umuulit na donasyon, kailangang kanselahin muna ito at gumawa ng panibago .

Upang mabago ang credit card na iyong ginamit sa donasyon, kinakailangan mong baguhin ang mga detalye ng iyong transaksyon sa Paypal. Mangyari lamang sumangguni sa PayPal help para sa karagdagang impormasyon ukol dito, o makipag-ugnayan sa PayPal support para sa tulong.

Kung nagbigay ako ng donasyon bilang paggunita sa isang tao, makakakuha ba sila ng abiso?

Hindi. Opsyonal ang pagbibigay ng email address para sa seksyon ng “In Honor of” (Bilang paggunita kay) at hindi nakagagawa ng kahit anong abiso, ngunit makatatanggap ang iyong pinararangalan ng mga karaniwang email na ipinapadala sa lahat ng mga donante.

Hindi ako makapagbibigay ng donasyon ngayon, ngunit gusto kong suportahan ang inyong trabaho. Maaari ba akong magboluntaryo para sa OTW?

Nakalista ang lahat ng mga posisyon na kasalukuyang bukas sa pahina ng Pagboboluntaryo. Kung hindi nakalista ang isang posisyong gusto mo, maaaring balikan ang pahina sa ibang pagkakataon at bantayan ang mga panibagong pagbubukas ng mga posisyon. Palagi kaming nagpapaskil ng impormasyon ukol sa mga bagong posisyon sa mga labasan ng balita ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha).

Open Doors

Ano ang proyektong Open Doors?

Ang Open Doors ay isang proyekto ng OTW (Organisasyon ng Ibahing Katha) na nakatalaga para sa pangangalaga ng mga hangang-katha para sa hinaharap. Ang pagtatalaga ng ganitong klaseng proyekto ay para sa adhikaing maingatan at mapangalagaan ang mga fannish na proyekto na maaaring mawala o mapabayaan dahil sa kakulangan ng oras, gana, o rekurso sa parte ng kasalukuyang nangangalaga nito.

Mangyaring magtungo lamang sa website ng Open Doors para sa karagdagang impormasyon, kung saan matatagpuan rin ang kumpletong Kadalasang Katanungan (FAQ) para sa naturang proyekto.

Organisasyon para sa Ibahing Katha

Ano ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha)?

Ang OTW (Organisasyong para sa Ibahing Katha) ay isang organisasyong di-pangkalakal na itinatag ng mga tagahanga para magsilbi sa interes ng mga tagahanga, sa pamamagitan ng pagbibigay ng akses at pangangalaga ng kasaysayan ng mga hangang-katha sa iba’t iba nitong anyo.

Bakit itinatag ang OTW?

Ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay itinatag para makapagpundar patungo sa kinabukasan kung saan lahat ng mga hangang-katha ay kinikilala bilang ligal at transpormatibo, at tinatanggap bilang isang lehitimong malikhaing gawain.

Ang aming misyon ay maging maagap at makabago sa pangangalaga at pagtatanggol ng aming gawain mula sa komersyal na pananamantala at ligal na hamon, at ingatan ang ekonomiyang paghanga, mga birtud, at paraan ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagtatanggol at pangangalaga ng mga kapwa tagahanga, ang aming gawa, komentaryo, kasaysayan, at pagkakakilanlan, habang nagbibigay sa lahat ng mga tagahanga ng pinakamalawak na maaring akses sa gawaing fannish.

Anong ibig niyong sabihin sa ibahing gawa?

Ang ibahing katha ay kumukuha mula sa isang bagay na mayroon na at binabago ito patungo sa isang bagay na mayroong panibagong layunin, katalusan, o paraan ng pagpapahayag.

Kabilang ngunit hindi limitado sa mga ibahing katha ang fanfiction, katha tungkol sa mga tunay na tao, hangang-vid, at hangang-sining. Ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay interesado sa lahat ng uri ng ibahing katha, ngunit ang aming prayoridad ay ang suportahan at ipagtanggol ang lahat ng uri ng katha na nakalagay sa aming archive, at ang mga tagahanga na lumikha sa kanila.

Bakit ito ang pananalitang pinili?

Ang terminong transformative (ibahin) ay partikular na pinili upang bigyang halaga ang isa sa mga pinakamahalagang ligal na depensa para sa lahat ng uri ng hangang-katha sa pangalan ng organisasyon: na ang mga ito ay binago mula sa orihinal na pinanggalingang materyal.

Ang paggamit na transpormatibo ay paggamit na, ayon sa lenggwahe ng Mataas na Hukuman ng Estados Unidos, “nagdadagdag ng bago, na may karagdagang layunin o ibang katangian, kahulugan, o mensahe.” ang kwento mula sa pananaw ni Voldemort ay transpormatibo, gayon din ang isang kwento tungkol sa isang sikat na artista na naglalarawan ng mga kasalukuyang palagay sa katanyagan at sa sekswalidad.

Sinuri din ng mga korte ang “karapatan sa publisidad” na hamon laban sa mga malikhaing likha gamit ang transformative use test mula sa batas ng karapatang-ari, kaya sakop din nito ang isa sa mga mahalagang ligal na hamon na kinakaharap ng mga katha tungkol sa mga tunay na tao. Dahil isa sa mga pangunahing layunin namin ay ang ipagtanggol ang karapatang mamalagi ng mga hangang-katha, mahalaga sa organisasyon ang pagkakaroon ng pangunahing depensa para sa kanila na nakalagay sa aming pangalan.

Kinakatawan ba ng OTW ang lahat ng fandom?

Ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay hindi nagsasalita para sa lahat ng fandom, ni hindi hinahangad man na mangyari iyon: malaki ang fandom, paano mo man ito gustong tukuyin. Sa ngayon, nais ng OTW na magbigay ng isang kapaki-pakinabang, nahahanap, maaasahan at matatag na tahanan para sa lahat ng fanfiction, ano man ang kaurian nito at kinabibilangang fandom, at sa pangmatagalang hinaharap naman ay makapagpalawak sa ibang uri ng mga hangang-katha. Para magawa iyon, sinusubukan naming gumawa ng isang matibay at maipagtatanggol na imprastraktura—iyan ang OTW.

Malugod naming tinatanggap lahat ng fandom sa mga proyekto ng OTW, kabilang na ang Archive of Our Own — AO3 (Ating Sariling Sisidlan), ang periyodiko ng Transformative Works and Cultures — TWC (Ibahing Katha at Kultura), at ang Fanlore wiki. Lahat kami ay nakikibahagi na pakiharapin ang lahat ng ibahing fannish na katha sa karaniwang mga ligal na isyu. Nais naming tulungan ang mga kapwa-tagahanga na labanan ang mga walang kabuluhan na liham ng cease and desist, o humanap ng ligal na tulong kung mayroon silang magandang kaso at gusto nilang ituloy ito.

Sinusubukan naming humanap ng mga kakampi at gumawa ng mga koneksyon bago pa man magkaroon ng kaguluhan, habang ipinapaunawa sa mundo bakit hindi kailangan magkaroon ng kaguluhan, dahil ang mga fan ay mga suking mamimili.

Bakit nakapokus sa mga babaeng tagahanga ang mga birtud at mga pagpapahayag ng misyon?

Ang pinagmulan ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay komunidad ng mga tagahanga at deka-dekadang kasaysayan na binuo ng halos puro kababaihan. Ngayon, dahil sa internet at makabagong teknoholohiya, ang komunidad at mga interes ng komunidad na ito ay mabilis na lumalago sa iba’t ibang direksyon at bumabagtas sa iba pang mga komunidad ng tagahanga na may iba’t iba ring kasaysayan. Kami ay puno ng tuwa at pag-asa sa paraan ng paglago ng aming komunidad at sa pakikihalubilo nito sa ibang sari-saring klase ng kulturang remix, at tanggap namin ang sinumang nais gawin ang aming ginagawa. Gayon din, mahalaga pa ring kilalanin na ang partikular na malikhaing komunidad na ito ay isang lugar na itinayo at hinubog na matindi ng panlasa ng mga kababaihan, dahil iyon ay isang pambihira at kamangha-manghang bagay batay sa kasaysayan.

Pinapahalagahan ng OTW ang lahat ng mga tagahanga at ang mga ambag ng lahat ng mga tagahanga anuman ang kasarian. Habang lumago ang OTW palabas sa kasanayang nanggagaling sa ibahing hangang-gawa sa kultura ng mga kababaihan, partikular din naming pinapahalagahan ang kasaysayan ng paglahok ng mga kababaihan, at ang mga kaugalian ng fandom na hinubog ng mga gawain ng kababaihan.

Maraming mga samahan, kabilang na ang Comic Book Legal Defense Fund, ang Academy of Machinima Arts & Sciences, at ang Electronic Frontier Foundation, ang nakapokus sa mga isyu at interes na may kaugnayan sa fandom; ang OTW ay partikular na nakapokus sa mga isyu na may kaugnayan sa ibahing katha na fanfiction, fanvid at hangang-sining.

Sino ang nasa likod ng OTW?

Ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay isang organisasyong itinatag ng mga tagahanga, para sa mga tagahanga. Ito ay pinapatakbo ng isang Lupon ng Pangangasiwa. Tignan ang Tungkol sa Amin para sa karagdagang impormasyon.

Sino ang namimili sa Lupon ng Pangangasiwa?

Ang 2007-2008 na Lupon ay hinirang upang agarang mapatakbo ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha). Lahat na ng mga sumunod na lupon ay inihalal ng mga kasapi ng OTW. Tungkulin ng Lupon ang mag-organisa ng mga komite, gumawa ng mga huling pagpapasiya, gumawa ng pinansyal na tala, pangasiwaan ang pagsunod, at iba pa.

Ang mga miyembro ng Lupon ay inaasahang magsilbi ng mga tatlong taong termino. Isang-katlo ng Lupon ang ihinahalal bawat taon. Ihinahalal ang Lupon mula sa mga kasapi na may mabuting katayuan at nakapagsilbi ng hindi bababa sa isang taong termino sa isang komite. Bawat kasapi ng OTW ay nakakakuha ng isang boto sa halalan, kahit pa magkano ang kanilang naiambag. Kung ikaw ay interesado sa pagtakbo sa pagka-Lupon, mangyaring makipag-ugnayan sa mga kawani ng Halalan. Para sa karagdagang impormasyon sa proseso ng aming halalan, mangyaring bumisita sa Website ng Halalan ng OTW.

Paano pinipili ang mga komite?

Ang Lupon ang nagpapasiya kung aling mga komite ang bubuuin, at saka magtatalaga ng mga tagapangulo sa mga komiteng ito at mga kasaping pinili ng mga tagapangulo. Ang pangunahing mga kasapi ay pinipili mula sa mga taong unang tumugon sa unang pampublikong pagtawag na “Handang Magsilbi” para sa mga boluntaryo.

Paano ako magboboluntaryo upang tumulong? Kailangan ko bang maging kasapi para magboluntaryo?

Tinatanggap namin ang lahat ng mga nais tumulong! May daan dang boluntaryong nakikilahok sa mga proyekto ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha)—ang malaking nakararami sa kanila ay nagboluntaryo bilang tugon sa aming pampublikong paskil para sa pangangalap. Ang mga boluntaryo ng OTW ay nagmumula sa iba’t ibang lahi, kasarian, kultura, sekswal na pagkakakilanlan, at kakayahan. Hindi namimili ng boluntaryo ang OTW batay sa mga nakasaad na iyan, at pinapahalagahan namin ang pagkakaiba-iba ng aming mga kawani. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming Komite ng Pagboboluntaryo kung nais magboluntaryo.

Sino ang maaaring gumamit ng mga serbisyo ng OTW at magboluntaryo?

Tinatanggap namin ang lahat ng gustong makipagtalakayan tungkol sa mga pinagbubuhatan (mga palabas, mga banda, mga manlalaro, anime, atbp.) at fandom; tanggap namin lahat ng manlilikha o tagatangkilik ng fanfiction, vid, hangang-sining, at iba pang uri ng ibahing katha.

Transformative Works and Cultures (Ibahing Katha at Kultura)

Ano ang layunin sa likod ng Transformative Works and Cultures (Ibahing Katha at Kultura)?

Layunin ng Transformative Works and Cultures – TWC (Ibahing Katha at Kultura) na magbigay ng lugar para sa pang-akademikong pagsusuri ng mga indibiduwal na ibahing katha at ng mas malaking kultura ng fandom kung saan nagmumula ang mga ito, na siyang nagpapatunay ng panlipunang, pang-edukasyong, at pang-istetikong kahalagahan ng mga fandom at fannish na mga katha.

Tinutulungan ng TWC ang mga tagahangang interesadong makipag-ugnayan sa fandom sa paraang mas teoretikal at pang-akademiko, upang mas malawak nilang maibahagi ang kanilang karunungan, pagbutihin ang usapan sa pagitan ng mga tagahanga at akademya, at magbigay ng panteoryang karanasan para sa misyon ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) na ipaliwanag at panatilihin ang fandom at mga ibahing katha. Ipapaliwanag din ng pahayagan ang konteksto ng mga piling katha upang maitatag ang mga hangang-katha bilang isang malikhaing sining.

Gaano kadalas inilalathala ang TWC?

Inilalathala ang Transformative Works and Cultures – TWC (Ibahing Katha at Kultura) dalawang beses sa isang taon, sa ika-15 ng Marso at ika-15 ng Setyembre.

Paano ako makakapagsumite sa TWC?

Makikita ang mga detalyadong patnubay ukol sa pagsumite online sa website ng Transformative Works and Cultures – TWC (Ibahing Katha at Kultura).

Malugod naming tinatanggap ang inyong mga gawa hangga’t sumusunod ang inyong kontribusyon sa pokus at saklaw ng TWC.

Ano ang uri ng mga bagay ang inilalathala ng TWC?

Inilalathala ngTransformative Works and Cultures – TWC (Ibahing Katha at Kultura) ang mga nasuring kasulatang pang-akademiko ukol sa kaibahan ng pakikitungo ng mga tagahanga sa iba’t-ibang uri ng teksto, at ukol sa mga komunidad ng mga tagahanga; mga kasulatan ukol sa meta na sinuri ng mga tagapatnugot at personal na sanaysay; pagsusuri ng mga libro; at mga panayam.

Anong karapatang-ari ang ginagamit ng TWC?

Simula sa Transformative Works and Cultures – TWC (Ibahing Katha at Kultura) Bilang 25, lisensyado ang mga sanaysay sa ilalim ng Creative Commons Attribution 4.0 International License. Para sa paliwanag ng katwiran ng pahayagan, mangyaring basahin ang editoryal noong ika-15 ng Setyembre, 2017, Copyright at Open Access.

Pinapayagan ng lisensyang ito ang di-pangkalakal at kalakal na paggamit nang may pagpapalagay. Dahil dito, hindi makakakuha ng mga papeles sa paglabas ng karapatang-ari ang mga institusyon, tulad ng mga pahayagan, na nais mag-imprenta muli ng mga artikulo (kahit na para sa layuning pangkalakal).

Lisensyado ang TWC Bilang 1 hanggang 24 sa ilalim ng Creative Commons Attribution-Noncommercial 3.0 Unported License. Para sa Bilang 1 hanggang 24, ang TWC, hindi ang may-akda, ang nagpapanatili ng karapatang-ari. Nangangailangan ng patnugot mula sa TWC ang sinumang nagnanais na kopyahin ang nilalaman para sa kita, kasama na ang mga may-akda. Regular na binibigay ang patnugot na ito nang libre.

Mangyari lamang na magsumite ng inyong mga tanong sa Editor.

Bakit hindi naghahanda ang TWC ng PDF ng mga kasulatan nito?

Sapagkat ang Transformative Works and Cultures – TWC (Ibahing Katha at Kultura) ay isang pangmaramihang-medya na pahayagan na naglalathala ng mga screen shot, nagpapaloob ng mga video, at gumagamit ng mga kawing, kinakailangang mailathala ang pahayagan online. Hindi wastong nagagaya ng mga PDF ang interactive na karanasan ng pahayagan.

Karagadagan dito, sapagkat ang karapatang-ari na ginagamit ng TWC ay nasa ilalim ng Creative Commons Attribution 4.0 International License, maaaring naisin ng mga tagahanga na ibahin ang pahayagan sa paglilikha ng PDF ng mga nilalaman at ipamahagi ito sa lahat. Hangga’t makakabigay ang dokumento ng mga URL sa orihinal na pinagmulan, at hangga’t hindi humihingi ng kabayaran ang nagpaskil, katanggap-tanggap ang gawaing ito ayon sa lisensya ng CC. Sa katotohanan, nais paunlarin ng TWC ang yaong mga ibahing gawain ng mga tagahanga.

At panghuli, ang TWC ay umaalma sa kahalagahang ibinibigay ng akademya sa mga kasulatang inililimbag. Kung gumawa kami ng mga opisyal na PDF, ang mga PDF na ito, at hindi ang online na bersyon, ang maituturing na dapat pagkatiwalaan dahil lamang sa pribilehiyong inilalaan sa mga nailimbag na pahayagan sa industriya ng pang-akademikong paglilimbag — gayunpaman, ang PDF ay isa lamang di-nagbabagong segunda-klaseng retrato ng isang interactive na dokumento.

Pagboboluntaryo

Maaari ba akong mag-boluntaryo para sa higit sa isang tungkulin?

Pwede. Maraming kawani sa OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ang naglalaan ng panahon para sa iba’t ibang tungkulin.

Gayunpaman, hinihiling naming pag-isipan muna nang mabuti ang oras na kailangang ilaan sa bawat tungkulin na nais mong kunin, pati na rin ang panahon na nais mong ibigay sa organisasyon. Habang maganda para sa OTW at sa aming mga boluntaryo na manungkulan ang isang tao sa iba’t ibang tungkulin, nais pa rin naming siguraduhin na hindi sila masosobrahan sa responsibilidad. Lahat ng mga bagong detalye ng mga posisyon ay nagsasaad ng natatantyang oras na kailangang ilaan para sa isang tungkulin, upang magbigay-gabay sa mga inaasahan tungkol dito. Iminumungkahi rin na kumunsulta ang mga boluntaryo sa tagapangulo ng kanilang komite tungkol sa pagkuha ng karagdagang tungkulin.

Mayroon bang kailangang edad na maabot bago makapagboluntaryo?

Ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay tumatanggap lamang ng mga boluntaryong aplikanteng 18 anyos o higit. May mga natatanging tungkulin at komiteng nangangailangan ng mga tiyak na kakayahan at siyang na nagtatakda ng edad ng pagsapi sa 18 taon para sa mga gustong makilahok.

Kinakailangan bang nasa tiyak na lugar ako para makapagboluntaryo?

Lahat ng mga boluntaryo ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay nagtatrabaho online, kaya hindi kailangang ika’y nasa tiyak na lugar. Basta’t mayroon kang koneksyon sa Internet, ika’y nasa tamang lugar (at makakatrabaho mo ang iba’t ibang tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo).

Karamihan ng impormasyon sa inyong mga website ay nasa wikang Ingles. Maaari pa rin ba akong magboluntaryo kahit na hindi Ingles ang katutubong wika ko?

Siyempre! Malugod kaming tumatanggap ng mga boluntaryo mula sa iba’t ibang panig ng mundo at mula sa lahat ng karanasan.

Bilang isang organisasyong nanunungkulan para sa pandaigdigang komunidad, mayroon kaming mga tagagamit at miyembro na ang katutubong wika ay hindi Ingles, at marami sa aming mga komite at proyekto ang nakikinabang sa mga boluntaryong bihasa sa mahigit isang lenggwahe. Ingles ang karaniwang wika ng buong organisasyon, kaya kakailanganin mong makapagtrabaho sa wikang ito (pero hindi kailangang dalubhasa ka rito). Kung mayroon kang espesipikong konsiderasyon para sa pagpasok sa isang tungkulin, ipaalam sa Mga Boluntaryo at Pangangalap, at tutulungan ka nilang makipag-usap sa tagapangulo ng komite.

Kailangan ko ba ng mga espesyal na software o kagamitan para makapagboluntaryo?

Kailangang mayroon kang matatag na koneksyon sa Internet, dahil gumagamit kami ng mga web-based software at ng email para makipag-usap. May mga tungkuling kakailanganing gumamit ng iba’t ibang website o software. Ang mga kagamitang ito ay libre o binabayaran ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha).

Mayroon bang mga konsiderasyon ukol sa aksesibilidad ng mga may kapansanan kapag nagboboluntaryo?

Ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay gumagamit ng ilang kagamitan online, tulad ng Basecamp at Campfire, na maaaring hindi gumana nang maayos kapag sinamahan ng mga teknolohiya para sa may mga kapansanan. Karamihan sa aming mga gawain ay may kinalaman sa teksto, at may mga tungkuling kailangang gawin nang mabilisan at nangangailangan ng madaliang komunikasyon gamit ang aming text-based online chat.

Kung mayroon kang mga espesipikong katanungan, huwag mag-atubiling ipaalam sa amin at sisikapin naming makatulong sa pinakamabuting paraan.

Interesado ako sa isang tungkuling kasalukuyang hindi nakalista. Maaari pa rin ba akong magpasa ng aplikasyon para dito?

Sa kasalukuyan, tumatanggap lamang kami ng mga aplikasyon para sa mga nakalistang tungkulin. Bahagi ng aming proseso ay mangalap lamang para sa mga tungkuling pinaghandaang tumanggap at magturo ng mga bagong boluntaryo. Gayunpaman, hinihimok naming subaybayan ninyo ang pahinang pamboluntaryo ng OTW
(Organisasyon para sa Ibahing Katha) News kung sakaling ilista ang ninanais niyong tungkulin. Kung mayroon pa kayong espesipikong katanungan ukol sa mga tungkulin, maaring makipag-ugnayan sa Mga Boluntaryo at Pangangalap.

Wala ako ng mga kasanayan o karanasan na kinakailangan ng mga tungkuling nakalista. Maaari pa rin ba akong magpasa ng aplikasyon?

Habang malugod kaming tumatanggap ng mga boluntaryong nais sumabak sa panibagong karanasan, mayroon pa rin kaming mga tungkulin na nangangailangan ng tiyak na kasanayan at karanasan. Ang aming kakayahang tumanggap ng mga baguhan para sa isang tungkulin ay batay din sa dami ng mga bihasang boluntaryong may pahanon para turuan ang mga baguhan. Ang mga kinakailangang karanasan at bilang ng oras na ilalaan para sa bawat posisyon ay nakasulat sa detalye ng mga ito.

Hinihimok naming tuluyan niyong subaybayan ang pahinang pamboluntaryo para sa mga bukas na tungkulin na tugma sa inyong mga kakayahan. Kung mayroong mga katanungan ukol sa pangangailangan ng isang tungkulin, huwag magatubiling ipaalam sa Mga Boluntaryo at Pangangalap.

Kailangan ko bang gamitin ang pangalang kasalukuyan kong ginagamit sa fandom o sa AO3 kung nais kong magboluntaryo? Kailangan ko bang gamitin ang pangalan ko sa AO3 upang makapagboluntaryo bilang isang Tag Wrangler?

Maaaring gamitin ang kahit alinmang pangalan kapag ika’y nagboluntaryo. May ibang boluntaryo na gustong iugnay ang kanilang gawain sa kanilang pagkakakilanlan sa fandom, at ang iba naman gustong gamitin ang kanilang ligal na pangalan, lalo na kung gusto nilang isama ang kanilang pagboboluntaryo sa kanilang resume o CV. Maaari mong gawin ang alinman dito o gumawa ng panibagong pangalan.

Kung ika’y natanggap na magboluntaryo bilang isang Tag Wrangler, ngunit ayaw mong iugnay ang iyong gawain sa tag wrangling sa iyong kasalukuyang account, pwede kang bigyan ng iyong mga tagapangulo ng imbitasyon para gumawa ng panibagong account para lamang sa tag wrangling. Kung nais mong gamitin ang kasalukuyan mong account, hindi kinakailangang tugma ito sa iyong pangalan para sa OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha), ngunit alalahanin na maaring maiugnay ang pangalan mo sa OTW sa pangalan mo sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) sa kurso ng iyong panunungkulan sa tag wrangling.

Paalala: May ilang tungkulin kung saan kinakailangan mong gamitin ang iyong ligal na pangalan, sapagka’t sila’y nakikisalamuha sa mga organisasyon sa labas. Palagi naman itong babanggitin sa detalye ng posisyon o sa mismong aplikasyon.

Anong mangyayari pagkatapos kong ipasa ang form para sa aplikasyon?

Depende ito sa uri ng tungkuling inaaplayan mo. Pagkatapos pindutin ang submit (ipasa), ipakikita sa pahina ang mga susunod na hakbang, at padadalhan ka ng awtomatikong mensahe ng pagpapatunay.

Para sa mga tungkuling maraming bukas na posisyon (halimbawa ay ang isang grupo ng boluntaryo, tulad ng pagsasalin o ng tag wrangling): Ipadadala ng Mga Boluntaryo at Pangangalap ang mga aplikasyon sa mga tagapangulo ng bawat komite at/o sa mga lider ng mga grupo ng boluntaryo. Makikipanayam ang tagapangulo sa mga potensyal na aplikante upang matiyak kung bagay sila sa tungkulin. Ipaaalam namin sa lahat ang kinalabasan ng kanilang mga aplikasyon sa madaling panahon.

Para sa mga tungkuling naghahanap lamang ng tiyak na bilang ng tao (halimbawa, isang kawani): Iingatan ng Mga Boluntaryo at Pangangalap ang lahat ng aplikasyon at ipadadala ang mga ito sa tamang tagapangulo pagkatapos ng panahon ng pangangalap. Makikipanayam ang tagapangulo sa mga potensyal na aplikante upang mahanap ang taong pinakatugma sa mga bukas na tungkulin. Ipaaalam namin sa lahat ang kinalabasan ng kanilang mga aplikasyon sa madaling panahon.

Nagpasa ako ng aplikasyon pero wala akong natanggap na sagot. Ano ang dapat kong gawin?

Dapat lahat ng aplikasyon ay makatanggap ng awtomatikong sagot na nagpapaliwanag sa mga susunod na hakbang sa proseso. Upang siguraduhing naipadala ito, siguraduhing aprobado ng iyong account ang mga email mula sa *@transformativeworks.org.

Kung hindi mo natanggap ang awtomatikong sagot sa loob ng 48 oras, pakitingnan ang iyong spam filter at padalhan ng e-mail ang [email protected] – kasama ang posisyong iyong inaplayan at ang pangalang ginamit sa aplikasyon.

Babayaran ba ako para sa pagboboluntaryo?

Hindi, walang sinuman sa OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ang tumatanggap ng kabayaran.

Mayroon akong mga katanungan tungkol sa pagboboluntaryo na hindi nasagutan dito.

Makipag-ugnayan sa Mga Boluntaryo at Pangangalap gamit ang form para sa pakikipag-ugnayan at malugod naming sasagutin ang iyong mga katanungan, kadalasan sa loob ng isang linggo. (Kung magpapadala ng katanungan na hindi nasa wikang Ingles, maaaring madagdagan ng isa pang linggo bago kami makasagot.)