Ang Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay isang hindi pangkomersyal at hindi pangkalakal na hosting site para sa mga ibahing katha katulad ng hangang-katha, hangang-sining, hangang-video at podfic. Ang AO3 ay isang lugar na ganap na nilikha at pinapatakbo ng mga tagahanga, kung saan ang mga pagkamalikhain ng mga tagahanga ay
maaaring makinabang mula sa pagtataguyod ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) sa kaso para sa legalidad at panlipunang halaga nito.
Sinimulan ang open beta ng AO3 noong Nobyembre 2009 at umabot ng 1 milyon na ini-upload na hangang-katha noong Pebrero 2014. Noong Hulyo 2018, ang AO3 ay humigit sa 4 milyong ini-upload na hangang-katha. Noong 2019, ginagamit ito ng higit sa 1.5 milyong rehistradong tagagamit, at may mga hangang-katha sa higit sa 30,000 na mga fandom.
Ang AO3 ay ganap na binuo at dinisenyo ng mga boluntaryo mula sa fandom. Marami sa aming mga boluntaryo ay nakatamo ng kasanayan sa pagko-code, pagdidisenyo at dokumentasyon mula sa kanilang trabaho sa proyekto. Ang open-source software ng site ay kasalukuyang naka-imbak sa GitHub. Ang mga server ng AO3 ay pinondohan sa pamamagitan lamang ng mga donasyon sa OTW. Hindi kailangang magbayad ang mga gumagamit ng site, at walang mga patalastas sa site.
Kabilang sa ilang mga mahahalagang tampok ng AO3 ay:
- mabilis at madaling pagda-download ng mga hangang-katha sa iba’t-ibang mga format (ePub, HTML, Mobi, PDF)
- sistema ng freeform tagging na nagpapahintulot sa mga manlilikha ng hangang-katha na gumawa ng kanilang sariling mga tag para sa pag-uuri
- ang kakayahang magkomento, magbigay-pugay at magbookmark
- ang kakayahan ng mga tagagamit na pumili kung saan maaari nilang makita ang mga hangang-kathang nakahati sa kabanata o sa kabuuan nito, at ang kakayahang iugnay ang mga hangang-katha sa isang serye
- ang pangangalaga ng mga koleksyon ng mga hangang-katha at mga hamon
- ang pag-aangkat sa mga hangang-kathang dating ipinaskil sa ibang lugar
Ang iba pang mga detalye sa proyektong ito ay maaaring makita sa FAQ, ang roadmap ng AO3 at Balitang AO3. Ang mga balita mula sa AO3 ay maaari ring makita sa Twitter at Tumblr.