
Katulad nang aming nabanggit noong nakaraang buwan, muling maglulunsad ang OTW ng mga kaganapan para sa International Fanworks Day ngayong taon.
Sa ika-15 ng Pebrero, ipagdiriwang natin ang International Fanworks Day sa lahat ng timezones. Nakalista sa ibaba ang mga gawaing handog ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha), ngunit nais din naming ilagay ninyo sa mga komento ang iba pang mga kaganapan at gawaing nabalitaan ninyo para maipaalam namin ito sa iba.
- Hamon para sa maiikling hangang-katha : Ilabas ang inyong mga tablet, laptop, o cellphone at lumikha ng isang maikling hangang-katha batay sa sumusunod na paksa:
Saan nagiging fannish ang inyong paboritong karakter o paboritong tambalan? Halimbawa:
- Paano kung dalhin ni Lena si Kara para manood ng isang Pussycats show?
- Tinuturuan ba ni Jessica Jones si Iron Fist na manahi ng mga porg?
- Nagkakaroon ba ng kumpetisyon sa pagitan ng mga karakter ng Boku No Hero Academia pagdating sa Animal Crossing Pocket Camp?
I-paskil ang inyong haiku, drabble, drawble, maikling video, audio, at iba pang format pagdating ng ika-16 ng Pebrero at i-tag ito ng #IFDShare sa Tumblr, Facebook, Dreamwidth, o kung saan ka nagpapahayag ng iyong pagiging tagahanga. At kung ipapaskil mo ito sa Archive of Our Own – AO3 (Ang Ating Sariling Sisidlan), i-tag ito gamit ang tag na “International Fanworks Day 2018”.
Mamimigay din kami ng mga graphic novel sa apat na random na kalahok na makagagawa ng hamon. Salamat sa First Second Books para sa mga premyo! Ang mga ito ay:
- In Real Life, ni Jen Wang
- Shattered Warrior, nina Sharon Shinn at Molly Ostertag
- Little Robot, ni Ben Hatke
- Cici’s Journal, nina Joris Chamblain at Aurelie Neyret
At kung hindi maselan ang nilalaman ng iyong gawa, maari rin naming ipalaganap ito! Ipadadala ng First Second ang mga premyo sa kahit anong bansa, kaya lahat ng mga kalahok ay maaaring sumali.
- Ang Kahalagahan ng mga Hangang-Katha para sa Akin: Noong nakaraang buwan, naglabas kami ng panawagan para sa mga kontribusyong sanaysay ukol sa kahalagahan ng mga hangang-katha para sa inyo. Ang iba sa mga ito ay inilathala sa Balitang OTW noong ika-5 ng Pebrero. Pero kung hindi ka nakasali rito, pwede pa rin ang mga meta sa #IFDShare! Ipaalam sa amin ang inyong mga saloobin at tulungan kaming ipalaganap ang mga pagdiriwang para sa International Fanworks Day.
-
Fanlore Challenge: Sasali rin ang Fanlore sa IFD!
Araw-araw, mula ika-12 hanggang ika-18 ng Pebrero, magpapaskil ang Fanlore ng iba’t ibang hamon sa lahat ng kanilang social media channels at sa kanilang wiki para makilahok ang lahat ng patnugot. Gaano mong kakilala ang iyong OTP? Panahon na para alamin yan at patunayan sa lahat! - Feedback Fest: Lahat ng gumagawa at nagbabahagi ng kanilang mga hangang-katha ay natutuwang makarinig mula sa mga taong nagustuhan ang mga ito, kaya naman kami’y maglulunsad ng Feedback Fest para ipagdiwang ang mga minamahal nating katha. Makilahok sa pamamagitan ng pag-iwan ng komento sa paskil ng Feedback Fest na naglalaman ng iyong mga recs, o kaya ng link patungo sa iyong paskil na naglalaman ng iyong mga recs na may tag na #IFDFest mula ika-13 hanggang ika-16 ng Pebrero. Mamimigay din kami ng premyo sa apat na random na kalahok! Kaya naman ibahagi mo na ang iyong pagmamahal para sa mga hangang-katha habang hinihikayat ang iba na mag-iwan ng komento sa mga manlilikha!
- Mga Laro at Fan Chat: Sa mismong ika-15 ng Pebrero, magbubukas kami ng isang chat sa pampublikong chatroom ng OTW para sa lahat ng timezones. Samahan kami mula 23:00 UTC ng ika-14 ng Pebrero hanggang 04:00 UTC ng ika-16 ng Pebrero para makibahagi ng mga hangang-katha o makisali sa mga paligsahan tulad ng mga trivia contest o 20 Questions! Ipapaskil namin ang detalyadong iskedyul sa ika-15 ng Pebrero sa pinakamaagang timezone.
Ngayong pinakita na namin ang aming mga plano, ibahagi rin sa amin ang inyong mga plano para sa inyong fandom para sa IFD, sa pamamagitan ng pagkomento rito o pag-link sa amin ng iyong paskil sa ibang website!
Ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay isang di pang-kalakal na organisasyon na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Batasang Pagtataguyod. Ang buong organisasyon ay pinapatakbo ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa OTW, maaaring tumungo sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.