Abril 2023 Kampanya para sa Pagiging Kaanib: Sama-sama Tayong mga Tagahanga!

Heto na—panahon na naman ng Kampanya para sa pagiging kaanib ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na ginaganap ng dalawang beses kada taon!
Magmula nang itinatag ito noong 2007, umaasa ang OTW sa suporta ng mga tagahangang tulad mo. Ang suportang ito ay mula sa oras na ginugugol ng mga boluntaryo at ang pagiging mapagbigay ng aming mga kaanib at mga nagkaloob ng donasyon. Bisitahin ang aming nakapaskil na badyet upang alamin ang ambag ng iyong mga donasyon sa aming mga gawain ngayong taon at, kung kakayanin, i-click ito upang makapagbigay ng donasyon.

Nasasabik kaming magkaroon ng mga bagong regalo bilang pasasalamat sa mga nagkaloob ng donasyon ngayong taon, kabilang na ang travel tumbler na may logo ng mga proyekto ng OTW at sticker set na may simbolo ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) para maayos mong mabigyan ng marka ang iyong mga kaibigan, alaga, at gamit sa bahay. Siyempre, nariyan pa rin ang pinakasikat naming trope cards, at iba pang mga kapana-panabik na regalo.

Isang malinaw na plastik tumbler na may pulang plastik na takip, pulang insulating strip na nakabalot sa itaas nito, at pulang plastik straw. Ang mga logo ng AO3, OTW Ligal, Fanlore, at Nagbabagong Katha at Kultura ay nakalimbag sa pula at nakapalibot sa katawan ng tumbler.
Isang piraso ng maliliit at parisukat na mga sticker na nagpapakita ng mga icon na ginagamit sa AO3 para ipahiwatig ang rating, kategorya ng relasyon, babala ng nilalaman, at estado ng pagkumpleto ng isang katha

Nagsisimula sa US$40 ang halaga ng mga regalo ng pasasalamat na ito; maaari ka ring
gumawa ng umuulit na donasyon at mag-ipon para sa iyong nais na regalo. Kasama sa resibo para sa iyong donasyon ang mga tagubilin kung papaano ito gawin. Sa mga nasa Estados Unidos, maaari niyo ring doblehin ang inyong kontribusyon sa pamamagitan ng pagtutugma mula sa inyong employer: makipag-ugnayan sa inyong departamento ng HR para malaman kung ito’y opsyon para sa inyo.

Mainam ding tandaan na magiging kaanib ka ng OTW kung ang donasyon mo ay US$10 at pataas. Nakakatanggap ang mga kaanib ng OTW ng natatanging social media icon, at, mas importante, may karapatan kang bumoto para sa Lupon ng mga Tagapangasiwa—ang namamahalang lupon ng OTW. Hanggang ika-30 ng Hunyo, 2023 ang pagpapatala bilang kaanib kung nais mong bumoto sa halalan ngayong taon, na magaganap sa Agosto.

Bagama’t umaasa kaming marami sa inyo ang kukunin ang pagkakataong ito para magbigay ng donasyon at sumali sa OTW, nagpapasalamat kami sa suporta ng lahat ng kasama sa komunidad na ito sa anumang anyo! Kung gumagawa ka man, nagbabahagi, nagkokomento o nagbibigay ng kudos sa mga hangang-katha sa AO3; nag-aambag sa Fanlore; nagbabasa ng Transformative Works and Cultures – TWC (Nagbabagong Katha at Kultura); o nagpapakalat ng impormasyon mula sa OTW Ligal, nakakatulong kayong lahat sa pagbuo ng OTW at mga proyekto nito araw-araw. Nagpapasalamat kami sa inyong oras, sigla at sigasig!


Ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) ay isang di pang-kalakal na organisasyon na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Ang buong organisasyon ay pinapatakbo ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa OTW, maaaring tumungo sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Event

Comments are closed.