2024 Timeline at Huling Araw sa Pagiging Kaanib sa Halalan ng OTW

Malugod na ipahayag ng Komite ng Halalan ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na nakapaskil na ang timeline para sa halalan sa 2024 para sa mga bagong miyembro ng Lupon ng mga Tagapangasiwa!

Gaganapin ang halalan para sa taong ito sa ika-16 hanggang ika-19 ng Agosto. Nangangahulugan ito na sa ika-21 ng Hunyo ang huling araw para magpahayag ang mga boluntaryo ng kanilang kandidatura.

Katulad ng dati, sa ika-30 ng Hunyo ang huling araw ng pagiging kaanib sa halalan. Kung interesado kang bumoto, mangyaring siguraduhin na aktibo ang pagka-miyembro mo hanggang sa petsang nabanggit. Mangyaring tandaan na nakatakda ang petsa ng resibo ng iyong donasyon sa US Eastern Time, kaya kung nailista ang iyong donasyon matapos ang alas 19:59 sa ika-30 ng Hunyo, 2024 sa resibo nito, hindi ka maaaring bumoto. Kung may alanganin ka kung nagawa ang iyong donasyon bago ang palugit, mangyaring makipag-ugnayan sa aming Komite ng Pagpapaunlad at Kaaniban sa pamamagitan ng paggamit sa form ng pakikipag-ugnayan na nasa aming website at sa pagpili sa “Is my membership current/Am I eligible to vote?” (Kasalukuyan ba ang aking pagiging miyembro/Maaari ba akong bumoto?).

Maaari mong malaman kung paano maging isang miyembro sa website ng Halalan, o kung pamilyar ka na sa proseso, maaari kang magbigay ng donasyon dito!

Kung nais mong malaman ang higit pang impormasyon ukol sa proseso ng halalan sa pangkalahatan, maaari mong tingnan ang mga Patakaran ng Halalan.

Inaasahan namin na magiging aktibo ang darating na halalan na may sapat na pakikipagtalastasan sa pagitan ng mga kandidato at botante, at umaasa kaming magiging bahagi kayo nito. Huwag kalimutang sundan ang Komite ng Halalan sa Twitter/X upang maging maalam sa mga pinakabagong balita!

Kung ikaw ay may tanong o komento, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa Komite ng Halalan.


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Uncategorized @fil

Comments are closed.